top of page

Solusyon sa mga problema ng bayan, mailatag sana sa SONA

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 22, 2024
  • 1 min read

by Info @Editorial | July 22, 2024



Editorial

Ngayong araw ang nakatakdang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. Ang SONA ay nagsisilbing tala ng mga tagumpay, hamon at adhikain ng bansa. 


Ito’y isang mahalagang pagkakataon para sa Pangulo upang ibahagi sa publiko ang mga nagawa ng gobyerno sa nakaraang taon, ganundin ang mga plano at mga hakbang na isasagawa sa hinaharap. 


Kaya inaasahang mababanggit ng Pangulo ang mga proyektong nagawa, mga reporma at iba pang mahahalagang pagbabago para sa kapakanan ng bayan.

Inaasahan ding tatalakayin ang mga problemang kinahaharap ng bansa sa ekonomiya, seguridad, edukasyon, kalusugan, at iba pang mga usaping may malaking epekto sa taumbayan. 


Gayunman, ang SONA ay hindi lamang simpleng pag-uulat kundi pagkakataon din para sa Pangulo na makipag-ugnayan sa mga mamamayan at sa kanilang kinabukasan. 

Ano ang direksyon na pinatutunguhan ng bansa at paano makatutulong ang bawat mamamayan sa pag-unlad? 


Sa loob ng mga nakaraang taon, sinuong natin ang daan mula sa pandemya hanggang sa unti-unting pagbangon. Bagama’t hindi maitatanggi na marami pa rin ang hindi pa nakakabawi.


Patuloy sanang matutukan ang kalusugan at ekonomiya, patuloy na paigtingin ang mga serbisyo-publiko. 

Magwakas na sana ang korupsiyon at kriminalidad na nagpapabagsak sa bayan. 


Nararapat na magtulungan tayo — gobyerno, sektor ng negosyo, at sambayanan — upang matugunan ang mga ito. 


Marami pa tayong dapat gawin upang tugunan ang mga pangangailangan at masolusyunan ang mga suliranin. Patuloy na bigyang prayoridad ang paglikha ng trabaho, pagsuporta sa mga maliliit na negosyo, at pagpapaunlad ng imprastruktura upang mapabuti ang kalidad ng buhay ng bawat Pilipino. 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page