SK kagawad tepok sa saksak
@Balitang Probinsiya | December 28, 2022
AKLAN—Patay ang Sangguniang Kabataan (SK) kagawad nang saksakin ng binata kamakalawa sa Bgy. Tigayon, Kalibo.
Ang biktima na nagtamo ng tama ng saksak sa tagiliran ay nakilalang si SK Kagawad Michael Tejano, 25-anyos, samantalang ang suspek ay si Ervin Eulogio, 18-anyos, kapwa residente sa nabanggit na barangay.
Ayon sa pulisya, nang malaman ni Tejano na may kaguluhang nangyayari sa lugar na kinaroroonan ni Eulogio ay nagtungo rito ang SK kagawad para umawat, pero bigla siyang sinaksak ng suspek.
Kaagad dinala ng mga saksi ang biktima sa pagamutan, pero idineklara itong dead-on-arrival.
Naaresto naman ng mga rumespondeng pulis ang suspek na nahaharap sa kasong murder.



Comments