by Info @Editorial | Feb. 16, 2025

Sa bawat eleksyon, isang karaniwang eksena ang pagsisiraan at bangayan ng mga kandidato.
Imbes na tumutok sa kanilang mga plataporma at mga hakbangin para sa ikabubuti ng bayan, maraming pulitiko ang mas pinipiling magpokus sa pagpapabagsak ng kanilang mga kalaban gamit ang mga personal na atake, pekeng balita, at mga malisyosong pahayag.
Masasabing ang ganitong taktika ay nagiging hadlang sa matalinong desisyon ng mga botante at nagdudulot ng pagkakawatak-watak sa ating lipunan.
Kapag ang mga botante ay nahulog sa mga kasinungalingan o personal na atake ng mga kandidato, nawawala na ang pagtuon sa mga isyung mahalaga at sa kung sino ang talagang may kakayahang maglingkod sa bayan.
Kaya’t bilang mamamayan, napakahalaga na maging mapanuri sa mga impormasyon na naririnig at nakikita, lalo na sa panahon ng kampanya.
Dapat nating matutunang iwasan ang pagpapadala sa mga pahayag na walang sapat na ebidensya o basehan, at magbigay halaga sa mga plataporma at konkretong plano na tunay na makikinabang ang nakararami.
Ang pagpapakita ng respeto sa opinyon ng iba at ang pagtutok sa mga isyung may kabuluhan ay magsisilbing susi upang magkaroon tayo ng isang makatarungan at maayos na halalan.
Hindi tayo dapat magpadala sa mga kasinungalingan at intriga. Sa halip, dapat nating gawing gabay ang mga hakbangin at pagpapahalaga ng bawat kandidato upang makapili tayo ng lider na tunay na magsusulong ng kapakanan ng bawat isa at ng bayan.
Comments