top of page

Bawas-oras sa pamamasada, pag-aralang mabuti

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 7, 2025
  • 1 min read

by Info @Editorial | May 7, 2025



Editorial

Matapos ang magkakasunod na vehicular accident na ikinasawi at ikinasugat ng ilang katao, pinag-aaralan ng gobyerno ang rekomendasyong bawasan ang oras ng pamamasada ng mga driver ng public utility bus.


Una nang ipinag-utos na gumawa ng hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero habang nasa biyahe. Kaugnay nito inirerekomendang ibaba sa apat na oras, mula sa anim na oras, ang haba ng pamamasada ng mga bus driver.


Maaari kasi umanong makaapekto sa kapasidad sa pagmamaneho ng mga drayber kung lagpas sa itinakdang oras ang tagal ng kanilang pamamasada.


Para naman sa atin, kailangang pag-aralan munang mabuti ang hirit dahil maaari nitong maapektuhan ang kabuhayan ng mga tatamaang bus drivers. Dapat ding isaalang-alang ang economic impact nito sa lahat ng drayber.


Sa likod ng bawat biyahe, malaking papel ang ginagampanan ng mga tsuper na inaasahang maihahatid nang ligtas ang bawat pasahero sa kanilang patutunguhan. Kaya naman, napakahalaga ng responsableng pagmamaneho — isang tungkuling hindi lang basta trabaho kundi isang moral na pananagutan.


Ang responsableng pagmamaneho ay hindi dapat ituring na opsyon kundi isang obligasyon. Kasama rito ang pagsunod sa batas-trapiko, pagiging alerto sa kalsada, at pagkakaroon ng disiplina at malasakit sa kapwa. 


Dapat ding isama sa usapin ang pangangalaga sa kalagayan ng sasakyan upang maiwasan ang aberya o aksidente.


Higit sa lahat, kailangang paigtingin ng pamahalaan ang edukasyon at regulasyon sa sektor ng pampasaherong transportasyon. Kailangang tiyaking lisensyado at dumaan sa tamang pagsasanay ang mga tsuper, at may regular na pagsusuri sa kanilang kalusugan at kakayahan.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page