Shocked dahil buhay pa ang mister na ofw at nagpakasal na sa iba
- BULGAR
- Oct 3, 2022
- 2 min read
ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | October 3, 2022
Dear Sister Isabel,
Masalimuot ang problemang idudulog ko sa inyo. May asawa ako at nag-abroad siya para magtrabaho. Sa simula ay may contact kami, pero pagkalipas ng isang taon ay hindi ko na siya makontak. Wala namang makapagsabi kung nasaan na siya ngayon at idineklara siyang missing at pinaghahanap pa hanggang ngayon.
Pitong taon na ang lumipas at dahil d’yan, tinanggap ko ang pag-ibig sa akin ng best friend ko. Masaya naman kami, hanggang isang araw ay nakatanggap ako ng balita na buhay pa pala siya. Ano ang gagawin ko? Kasal kami at tiyak na uuwi siya sa akin upang magsama kaming muli. Wala na akong pagmamahal sa kanya, payapa at panatag na ang buhay ko ngayon sa piling ng dati kong best friend na asawa ko ngayon.
Sana ay mapayuhan n’yo ako sa lalong madaling panahon.
Nagpapasalamat,
Aida ng Bicol
Sa iyo, Aida,
Medyo magulo ang problema mo. Gayunman, ang buhay ay sadyang ganyan, may mga pangyayari na hindi mo inaasahan.
Sa palagay ko, dapat kayong mag-usap ng una mong asawa, marahil ay mauunawaan ka niya. Sa tagal ng panahong wala kayong contact sa isa’t isa, hindi mo kasalanan na umibig ka sa iba. Tao ka lang at may pangangailangan din sa puso’t katawan.
Sa kabilang banda, bakit hindi siya nagsikap na kontakin at sabihin kung ano ang nangyari? Bakit siya nawala nang mahabang panahon? Siya ang nagkulang, kaya tiyak na mauunawaan ka niya. Umaasa ako na matatanggap niya ang kasalukuyan mong kalagayan.
Lakip nito ang dalangin ko na maging maayos ang pag-uusap n’yo at matanggap niya nang maluwag sa kalooban na hindi talaga kayo ang para sa isa’t isa.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




Comments