Serbisyo ng 911, malaking tulong sa publiko
- BULGAR
- Aug 18, 2024
- 1 min read
by Info @Editorial | August 18, 2024

Masasabing malaking tulong ang 911 kaya, sang-ayon tayo sa isinusulong ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na pagpapatupad ng 911 emergency system sa buong bansa.
Sa ginanap na Emergency 911 (E911) National Summit sa EDSA Shangri-La sa Mandaluyong, ipinaliwanag kung bakit dapat magtayo na ang bawat lungsod ng sarili nitong local 911 call center lalo na ngayong mayroong banta ng La Niña sa mga susunod na buwan.
Mahalaga ang kooperasyon ng bawat LGU para sa pag-set up ng sarili nitong local emergency call center, tulad ng decentralized system sa Amerika.
Kaugnay nito, inilunsad naman ng DILG ang emergency response system gamit ang makabagong teknolohiya mula sa US 911 system upang mapabilis ang pagtugon sa anumang emergency situation sa bansa.
Ang E911 ay isang next-generation na sistema ng emergency call na idinisenyo upang magbigay ng mas mabilis, mas tumpak, at mas epektibong pagtugon sa mga emergency.
Kabaligtaran sa tradisyonal na 911 system, ang E911 ay gumagamit ng advanced na teknolohiya upang matukoy ang lokasyon ng tumatawag, pamahalaan ang iba’t ibang uri ng komunikasyon at magsanib sa iba pang mga emergency services tulad ng mga bumbero, medical responders, at iba pang kaugnay na ahensya upang mag-coordinate ng mga tugon.
Gayunpaman, may babala sa mga pasaway na magpa-prank calls dahil maaari nilang matukoy ang lokasyon sa tulong ng mga kamera at makakasuhan.
Umaasa tayo na higit pang made-develop ang 911 service at maipakalat sa buong bansa.



Comments