top of page

Senakulo: Dula ng Pananampalataya

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 16
  • 2 min read

ni Cristine Marish Rivera (OJT) @Life & Style | Apr. 16, 2025





Para sa isang Pinoy na lumaki sa bansang karamihan ay Katoliko, maraming nakagisnan ang iba’t ibang tradisyon na ginagawa sa tuwing Semana Santa. Sumasalamin kasi ito sa pananampalataya, sining at kultura ng Pilipinas.


Bukod sa mga bagay na nagrerepresinta sa Mahal na Araw gaya ng hindi pagkain ng mga karne, pagbisita sa mga simbahan, mga pabasa ng pasyon, at iba pa, isang natatanging tradisyon ang isinasagawa kaugnay ng pag-alaala sa mga hirap na pinagdaanan ni Hesus bago tuluyang ipako at mamatay sa krus.


Pagsapit ng Semana Santa, buhay na buhay na ang mga lansangan at entablado sa Senakulo. Ito ay ang pagsasadula patungkol sa buhay (mula sa kapanganakan), pagpapakasakit, kamatayan at muling pagkabuhay ng Panginoong Hesu-Kristo.


Ang katawagang Senakulo ay hango sa salitang Cenaculum o mas mataas na silid (upper room) na siyang naging lugar para sa Huling Hapunan. Karaniwang ginagawa ito ng ilang grupo ng mga Kristiyano, partikular na ang mga Katoliko, tuwing Biyernes Santo o Good Friday sa mga simbahan, lansangan, etc., bilang paggunita sa lahat ng sakripisyo para sa atin ni Hesus.


Kabilang sa mga kilalang probinsya na nagsasagawa ng Senakulo ay ang Bulacan, Rizal at Pampanga. Tampok dito ang taimtim na debosyon ng bawat kalahok o gumaganap sa pagtatanghal na kadalasang mga ordinaryong mamamayan lamang.


Iba-iba ang mga dahilan ng mga kasali na nagsasadula nito, ilan sa kanila ay bilang pagpapasalamat, paghingi ng kapatawaran, pamamanata, at may espesyal na kahilingan para sa sarili o ‘di kaya’y para sa pamilya.



Dahil may kani-kanya namang paraan ng pagsunod at pananampalataya, ang iba sa atin ay mas gusto o nagagawang magpapako sa krus o ang magpenitensya.


Anuman ang tradisyon o ritwal na nais nating gawin sa mga panahong ganito, ang mahalaga lamang ay alam nating respetuhin ang paraan ng pagsisisi, pagbabagong buhay, at paghingi ng kapatawaran ng bawat isa.


At sakaling may mga plano na para sa Mahal na Araw, tandaan lamang na nasaan mang parte ng mundo, laging isipin at isapuso ang kahalagahan at ang tunay na diwa ng Semana Santa.


Sa huli, ang Senakulo ay hindi lamang kuwento ng buhay at pagpapakasakit ni Hesus para sa ating katubusan, bagkus, kuwento rin ito ng bawat Pilipino na nagmamahal, nagsasakripisyo, at patuloy na naniniwala sa kapangyarihan ng Diyos at nananampalataya sa Kanya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page