Semana Santa tapos na, kalbaryo sa petrolyo ‘di pa
@Editorial | April 19, 2022
Balik-trabaho na matapos ang ilang araw na paggunita sa Semana Santa.
Kasabay nito, balik-kalbaryo na naman sa minsang nakalimutang problema sa taas-presyo partikular sa petrolyo.
Una nang nag-anunsyo ang ilang kompanya ng langis sa pagtaas ng presyo ng kanilang mga produkto ngayong araw.
Kasunod ito ng dalawang linggong magkasunod na rollback sa presyo ng krudo, gasolina at kerosene.
Inaasahan ang P1.70 na pagtaas sa kada litro ng diesel, P0.45 naman sa kada litro ng gasolina habang P0.45 din sa kerosene. Ang dahilan umano ng price adjustment ay ang mas mahal na presyo ng inangkat na petrolyo noong Huwebes Santo.
Nangangahulugan ito na kailangan pa rin gumawa ng paraan para makatipid dahil pare-pareho naman tayong walang magagawa.
Nar’yan man ang ayuda mula sa gobyerno, hindi naman uubra na mabigyan ang lahat kahit pa sabihin nating lahat tayo ay apektado.
Nakakalungkot lang dahil habang sumasakit ang ulo ng taumbayan sa walang tigil na taas ng presyo ng mga bilihin at singil sa serbisyo, abalang-abala naman ang mga kandidato sa mga gimik, banat at kung anu-anong drama.
Ang inaasahan sana natin ay mga konkretong solusyon sa mga problemang ito sakaling sila na ang nakaupo sa puwesto. Sa ganitong sitwasyon sana sila nagpapabonggahan ng plataporma para naman may ideya ang mga botante kung sino ang may ‘K’ na manalo.



Comments