Sektor ng agrikultura, palakasin kontra gutom

@Editorial | February 12, 2021
Nakakaiyak na talagang mamalengke dahil sa mahal ng presyo ng mga bilihin. ‘Yung budget na para sa isang linggo noon, halos pang-isa o dalawang araw na lang ngayon.
Kung kailan may pandemya saka naman humataw ang mga taas-presyo. Hindi na natin malaman kung paano didiskarte.
Bagama’t hindi maitatangging ito rin ang panahon na marami sa atin ang talagang pinatatag at tinuruang maging mas matiyaga, masinop at wais sa buhay.
Gayunman, malaking pagsubok talaga na maitawid ang pang-araw-araw na gastusin.
Kaya mas naunawaan din natin ang kaibahan ng kailangan sa gusto. Ang halaga ng pagkain.
Ngayon din natin higit na napansin na may problema, partikular sa sektor ng agrikultura, na isa sa mga dapat tutukan — ang pagpapalakas sa mga magsasaka at mangingisda.
Madalas nating marinig ang kanilang hinaing na lalong tumindi nitong pandemya.
Panawagan ang mapagkalooban sila ng pinansiyal na subsidiya para magtuluy-tuloy ang kanilang produksiyon ng pagkain.
Higit sa lahat ang pagbibigay sa kanila ng makabagong farming technology, na magpapataas o magpaparami sa produksiyon ng food supplies.
Kung matatag ang sektor ng agrikultura, sila mismo ang aalalay sa ating pangunahing pangangailangan — pagkain.
Sila ang isa mga higit na makatutulong upang matugunan ang presyuhan at suplay ng mga bilihin at pagkain sa bansa lalo na sa gitna ng pandemya.



Comments