top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Second chance sa love life at career, parating sa ex-OFW na iniwan ng misis

BULGAR
Aug 7, 2022
3 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | August 7, 2022




KATANUNGAN

  1. Nang makapag-Taiwan ako, akala ko ay ‘yun na ang suwerte ng aking pamilya dahil maganda ang kita ko ru’n. Pero ru’n ko rin nakilala ang babaeng gumulo ng buhay ko. Malayo ako sa aking pamilya, kaya nagkaroon kami ng lihim na relasyon. Hindi nagtagal ay nalaman ito ng aking asawa, kaya nang natapos ang kontrata ko at bumalik na ako sa Pilipinas, ang akala ko ay mauunawaan ako ng aking misis, pero iniwan niya ako at isinama ang aming mga anak.

  2. Pagkatapos nu’n, balak kong ibahay at seryosohin ang babaeng nakilala ko sa Taiwan, na tawagin na lang nating Mayla. Pero nang magkausap kami, nagulat ako dahil pinakasalan na pala siya ng first boyfriend niya sa kanilang probinsya. Parang gumuho ang mundo ko nang nalaman ko ‘yun. Ang nagpalala pa ng sitwasyon ay unti-unti nang nauubos ang naipon ko sa pag-a-abroad.

  3. Sa ngayon, walang-wala ako habang mukhang malabo na ulit akong makaalis. Nakikitira na lang ako sa aking mga magulang at madalas pa akong napapaaway sa kapatid naming bunso na dito rin nakatira. Hirap na hirap na ako ngayon — walang asawa, career at pera.

  4. Hindi ko na alam ang gagawin ko dahil nararamdaman ko na tumatanda na ako at parang wala nang pag-asa pang makarekober. Minsan ay naglalaro sa isip ko ang magpatiwakal na lang para matapos na ang magulong buhay ko. Maestro, ano ang dapat kong gawin? Sana ay matulungan n’yo ako na makabalik sa dati ang buhay ko.

KASAGUTAN

  1. Kapansin-pansin na napakalinaw at napakahaba ng Life Line (Drawing A. at B. L-L arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, kahit magtangka kang magpakamatay nang paulit-ulit, hindi ka matutuluyan, sapagkat hindi ito ang panahon upang ikaw ay pumanaw.

  2. Ang nakakatuwa sa iyong kapalaran, nang muling umandar pataas ang iyong Career o Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow c.) matapos salpukin ng Guhit ng Pambababae (B-B arrow b.), muling nakarekober at nagpatuloy ang kanyang pag-andar (arrow c.) hanggang sa nakarating sa Mount of Saturn, na tinatawag ding Bundok ng Tagumpay (arrow d.). Ibig sabihin, kung wala kang trabaho at kabuhay-buhay ngayon, darating ang panahong muli kang magkakaroon ng maganda at matatag na source of income.

  3. Hindi pa r’yan natatapos ang iyong suwerte, sa halip, matapos mabiyak at magulo ang unang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow e.), agad naman itong napalitan ng isa pang tumutubo, bago at mas malinaw na ikalawang Marriage Line (2-M arrow f.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, matapos kang iwanan ng iyong asawa dahil iyong pambababae habang ikaw ay nasa abroad, hindi ka pa rin iiwanan ng iyong suwerte dahil sa birth date mong 13.

  4. Sa ikalawa at mas okey na sitwasyon, muli kang makakapag-asawa, ilegal man ito, may pangako pa rin ng panghabambuhay na kaligayahan kung hindi mo na uulitin pa ang nakaraan mong pambababae at kalokohan.


MGA DAPAT GAWIN


  1. Sinasabing ang negatibong karanasan ang isa sa pinakamahusay na guro na nagbibigay ng leksyon sa mga taong naliligaw ng landas. Tunay ngang tama ang kuwento ng alibughang anak na mababasa sa Biblia. Kung saan, hindi baleng magkasala dahil talagang ganu’n ang buhay, ngunit ang mas mahalaga, matapos gumawa ng kalokohan, kailangang makabalik sa tamang landas upang tuloy-tuloy na lumigaya at magtagumpay.

  2. Ganu’n ang mangyayari sa iyong kapalaran, RJ, kung saan, matapos mong wasakin ang matino mong pamilya dahil sa pambababae sa ibang bansa, basta’t ‘wag kang susuko dahil may second chance ka pa. Sa ikalawang pagkakataong ito, may pangako ng mas magandang career at maligayang pamilya, na nakatakdang mangyari sa taong 2025 at sa edad mong 46 pataas.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page