top of page
Search
BULGAR

Salary loan program ng SSS, online na

by Info @Buti na lang may SSS | Nov. 10, 2024



Buti na lang may SSS

Dear SSS, 

 

Magandang araw! Ako ay isang stock clerk ng isang department store. Nais ko sanang malaman kung puwede na akong mag-loan sa SSS? At ano ang kailangan kong gawin?  Salamat. — Charles


 

Mabuting araw sa iyo, Charles! 


Ang salary loan ang isa sa pinakasikat na programa na pautang ng SSS at maraming miyembro ang ginagamit ito upang matugunan ang kanilang mga panandaliang pangangailangang pampinansyal.


Upang makahiram ka sa programang ito, ikaw ay dapat nakapaghulog ng hindi bababa sa 36 na buwanang kontribusyon o tatlong taon kung saan ang anim na kontribusyon ay naihulog sa loob ng huling 12 buwan bago ang buwan ng pagpa-file mo ng loan application. 


Ang halaga naman ng maaari mong mahiram sa SSS ay nakabatay sa monthly salary credit (MSC) o ang salary level ng iyong buwanang kita. Samantala, ang MSC naman ang batayan ng computation ng lahat ng mga benepisyo at loan sa SSS. 


Charles, kung ikaw ay mayroong 36 hanggang 71 monthly contributions, ang halaga ng maaari mong hiramin sa SSS ay katumbas ng average MSC o ang average ng MSC ng huling 12 hulog mo sa SSS. Halimbawa, kumikita ka ng P19,200 kada buwan. Ang halagang ito ay sakop ng P19,000 na MSC. Kung kaya, P19,000 ang katumbas na loanable amount na maaari mong makuha para sa one-month salary loan. 


Samantala, kung ikaw ay nakapaghulog ng 72 buwanang kontribusyon at higit pa rito, ang matatanggap mong loan amount ay katumbas sa two-month salary loan o doble ng iyong average MSC. Kung pagbabatayan natin ang iyong kita, P38,000 ang iyong loanable amount o doble ng P19,000 na kasalukuyan mong MSC. 


Sa kasalukuyan, ang maximum loanable amount naman para sa salary loan ay hanggang P40,000 lamang. 


Maaaring bayaran ang utang sa loob ng 24 na buwan o dalawang taon. Ito ay may interes na 10% bawat taon batay sa diminishing balance o natitirang balanse ng utang at ibabawas din sa utang ang kaukulang 1% na service fee.


Maaari kang mag-renew ng iyong salary loan kapag nabayaran mo ang 50% ng iyong loan at 50% na rin ito ng installment term.


Charles, online na rin ang pagpa-file ng salary loan application sa pamamagitan ng My.SSS Portal na matatagpuan sa SSS website, www.sss.gov.ph. Kinakailangan lamang na ikaw ay rehistrado at mayroong kang My.SSS account gayundin ang enrolled bank/savings account sa Disbursement Account Enrolment Module (DAEM) na makikita rin sa SSS website. 


Kinakailangan din na isertipika na iyong employer online ang iyong aplikasyon gamit ang kanilang employer account sa My.SSS bago ito aprubahan. 


Dagdag dito, sa iyong rehistradong bank account iki-credit ng SSS ang iyong salary loan na mas mabilis mo namang matatanggap.


***

Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa loan penalty condonation program nito.  Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (Conso Loan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.


Maaaring bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran nang hulugan sa loob ng hanggang 60 buwan o limang taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.


Sakop ng Conso Loan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan, at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.


 

Upang makapagrehistro sa My.SSS, maaari kang magtungo sa SSS website (www.sss.gov.ph) at magparehistro sa Member portal. Kailangang punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan na ang irerehistrong e-mail address ay kailangang aktibo at nagagamit pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para i-activate at magamit mo ang iyong My.SSS account. 


 

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System - SSS” o sa X, ang dating Twitter, sa @PHLSSS. Maaari ring mag-subscribe sa YouTube channel sa “MYSSSPH”, at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates”. Maaari kayong magpadala ng inyong concerns at katanungan sa usssaptayo@sss.gov.ph.


0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page