top of page

Sa susunod na 500 taon, Balik-Misyon, Balik-Kalikasan

  • BULGAR
  • May 29, 2022
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | May 29, 2022


Natapos noong nakaraang ika-22 ng Abril ang isang taong pagdiriwang ng 500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas.


Hindi ko alam kung sinadya ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang pagpili ng ika-22 ng Abril o ang "Earth Day" para sa pagtatapos ng pagdiriwang ng unang pagdating ng mga Misyonerong Katoliko sa Pilipinas at ang pagpapalaganap ng pananampalatayang Kristiyano-Katoliko.


Kung hindi man nila naisip, maganda pa ring isipin ang malalim na kaugnayan ng ating pananampalataya sa pagpapahalaga kay Inang Kalikasan.


Sa kabila ng magagandang ginawa at sinimulan ng mga unang misyonero, hindi makakaila ang mga pagkakamali at kalabisang nagawa ng mga ito sa ating kultura maging sa kapaligiran at kalikasan.


Sa pagpapalaganap ng pananampalatayang Kristiyano-Katoliko nagkaroon ng tagisan ito sa mga relihiyon ng mga katutubong Pilipino sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa. Maraming katutubong relihiyon ang napalitan at nawala. Marami-rami na rin tayong mga sinaunang literatura na nakasulat sa Baybayin (minsan tinatawag ding Alibata) o ang sinaunang alpabeto ng mga Pilipino. At dahil kinailangan ng mga unang misyonaryo kasama ang mga Kastilang Opisyal ng Hari at Reyna ng Espanya, na magtayo ng mga simbahan, paaralan at mga poblacion, napakarami ring nasirang mga gubat at bundok, mga tabing dagat na pinagkunan ng mga materyales sa paggawa ng mga malalaki at matitibay na istraktura para sa gamit ng mga simbahan at ng Pamahalaang Sibil.


Inilabas ni Papa Francisco noong ika-3 ng Oktubre 2020 ang Fratelli Tutti. Sinundan nito ang unang libro ni Papa Francisco tungkol sa pagmamahal sa kalikasan, ang Laudato Si (ika-24 Mayo 2015). Hango sa mga turo ni San Francisco ng Assisi ang “Fratelli Tutti”. “Magkakapatid tayo,” sabi ng santo. Dahil dito, kailangan nating magmahalan at kilalanin ang bawat isa bilang mga anak ng iisang Ama. Ito ang dalawang pag-ibig na tila magkahiwalay at kulang sa pagpapahalaga.


Kung pinagsasamantalahan ang kalikasan, ganun din ang ginagawa sa mga karaniwan at mahihirap na tao.


Kung sinisira ang kalikasan ng mga kalakal na lumalason, labis na kumukuha at sumisira sa mga likas yaman, hindi malayong ganun din ang turing sa tao.


Inabot ng 29 na taon (mula 1993) bago magtagumpay ang kaso ng mga taga-Marinduque sa Marcopper Mining Corporation. Dahil sa kapabayaan, bumigay ang “siltation dam” ng Marcopper noong ika-6 ng Disyembre 1993, kung kaya’t binaha ang mga bayan ng Bocboc at Magapua.


Noon namang ika-24 ng Marso 1996, bumigay naman ang plug ng drainage tunnel ng Taipan pit ng Marcopper. Ito ang dahilan ng pagragasa ng 200 million toxic tons ng lason (toxic mine tailings) na nagtapos sa mga ilog ng Makulapnit at Boac.


Pinatay ng lasong tubig ang ilog ng Boac.


Ang pangyayaring ito ang isa sa pinakamalaking “industrial pollution disaster".


Babayaran ng Marcopper ng danyos ang 30 naghain ng kaso noong 2001.


Bakit inabot ng 29 taon ang desisyon sa kasong ito? Meron kayang ginawa ang Marcopper para ituwid ang idinulot nitong kapahamakan sa kalikasan at tao?


Hindi sinabi sa mga ulat kung meron ngang ginawa ang nakasuhang korporasyon ng mina. Hindi malayong umiwas na magbayad at tumulong sa mga apektadong tao.


Ngayong nagmamadaling umupo ang anak sa tronong dating inupuan ng kanyang ama, magandang tingnan niya ang isang halimbawa ng mga abuso at kapabayaang nagawa ng isang mahalagang ahensiya noong panahon ng kanyang nasirang ama.


Maaari nating itanong ngayon, kung saka-sakaling umupo ang anak ng pinaalis na ama, magiging prayoridad kaya niya ang pagkalinga at pagtatanggol sa kalikasan? At ganun din sa usapin ng mga maliliit na madalas maging biktima ng abusadong mga ahensiya at walang pakundangang mga korporasyon tulad ng Marcopper, may gagawin kaya ang susunod na administrasyon para sa mga mamayanang nasaktan, naargabyado at namatayan?


Balikan natin ang tanong na “bakit inabot ng 29 na taon ang desisyon ng korte?”


Ano kaya ang gagawin ng susunod na administrasyon sa sistema ng katarungan sa ating bansa?


Bibilis kaya ang mga desisyon ng korte o aabutin muli ng siyam-siyam bago makapagdesisyon ang mga ito?


Natapos ang pagdiriwang ng 500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas noong ika-22 ng Abril 2022, Earth Day. Natapos ba talaga? O ngayong tapos na ang nakaraang 500 taon, dapat lang na tingnan natin ang susunod na 500 taon… at sabihing Balik-Misyon, Balik-Kalikasan…


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page