ni Angela Fernando @News | September 12, 2024
Pinatawan ng contempt ng apat na pinagsamang komite ng Kamara ang dating tagapagsalita ng pangulo sa administrasyong Duterte na si Harry Roque dahil sa paulit-ulit na pagtanggi niyang magsumite ng mga dokumento kaugnay sa pagtaas ng halaga ng kanyang mga ari-arian.
Nagpasya ang "QuadCom," na nagsasagawa ng imbestigasyon sa mga namatay sa war on drugs nu'ng panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na patawan si Roque ng contempt matapos itong unang pumayag na magsumite ng mga dokumento na magpapaliwanag sa pagtaas ng halaga ng kanyang mga ari-arian sa ilalim ng Biancham Holdings and Trading ng kanyang pamilya mula P125,000 nu'ng 2014, P3.125-milyon nu'ng 2015, at P67.7-milyon nu'ng 2018.
Ayon kay Batangas Rep. Gerville Luistro, si Roque ay nagsampa ng mosyon upang ipawalang-bisa ang subpoena duces tecum para sa mga nasabing dokumento. Dagdag pa ni Luistro, kahit na nagkaisa na ang QuadCom na ibasura ang mosyon ni Roque para ipawalang-bisa ang subpoena, muling nagsampa si Roque ng parehong mosyon, gamit ang parehong argumento na ang mga hinihinging dokumento ay hindi nauugnay sa imbestigasyon para sa paggawa ng batas at binanggit ang karapatan sa pagkapribado.
Pinabulaanan ni Luistro ang pahayag ni Roque sa pamamagitan ng pagtukoy sa desisyon ng Korte Suprema sa kaso ng Sabio vs. Gordon, na naglalaman ng karapatan sa privacy ay mas mababa kumpara sa karapatan ng publiko sa impormasyon sa mga bagay na may kinalaman sa interes ng bayan.
“In other words, Mr. Chair, if there is a conflict between the right to privacy versus the right to public information on matters of public interest, the latter should prevail. Mas mataas po ang right to public information on matters of public interest kumpara sa right to privacy,” saad ni Luistro.
Samantala, ang mosyon na ipataw ang contempt kay Roque, na isinulong ni Rep. Keith Flores ng Bukidnon at inaprubahan ng buong komite, ay may kasamang utos ng pagkakakulong sa Kamara hanggang sa maisumite ni Roque ang mga dokumento.
Comments