Radio Gaga, Will To Win papalag sa Condition Race
ni Green Lantern- @Renda at Latigo | October 21, 2021
Limang Condition at apat na PHILRACOM Rating Based Handicapping Sytem races ang inihanda ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) ngayong Huwebes.
Isa sa aabangan sa PHILRACOM RBHS ay ang Race 5 na lalahukan ng 11 matikas na kabayo kasama ang couple entry, ilalarga ito sa Metro Turf, Malvar, Batangas.
Inaasahang bibida sa bentahan ang El Mundo at magkakamping She Is Sizzling at Claudia's Pride sa event sa 1,400 meter race.
Ayon sa mga karerista, malaki rin ang tsansang manalo ng Talicud Island at Bishop Blue lalo na't mga star jockeys ang rerenda sa mga ito. Sasakyan ni Patty Dilema si Talicud Island habang si class A rider Jeffril Zarate ang gagabay kay Bishop Blue.
Ang ibang kalahok sa event na may added prize na P25,000 na ikakalat sa unang apat na kabayong tatawid sa meta ay sina Great Connection, Noh Sen Young Yana, Celebrity, Summer Cruise, My Only Treasure, Within Reach at It's A Deal. "Mahirap na karera, maraming magagaling kaya pagalingan na lang sa pag-aaral at pagsilip ng tatayaan," saad ni Gary Salvador, karerista.
Hahamigin ng winning horse owner ang P5,000, inisponsoran ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) ni chairman Reli De Leon.
Makikilatis sina Radio Gaga at Will To Win sa Condition Race (17) sa race 2.
Gagabayan ni class A jockey Mark Angelo Alvarez si Will To Win habang si Lester De Jesus ang sasakay kay Radio Gaga, makakalaban sina Primetime Magic, Eugene Onegin, Zenaida, Mount Arayat at Courageous sa 1,200 meter race.
Posibleng magbigay din ng magandang laban si Zenaida na sasakyan ni MM Gonzales.
Magandang laban din ang masisilayan sa unang karera na isa rin na Condition Race (20). Pili sa karera tipsters ng programa sina Easy Landing at Shadow Of The Sun, 1,200 meter din ang distansya. Ang ibang kalahok ay sina Tulos Express, Kalanggaman Island, Sir Joaquin at Tool Of Choice.



Comments