Puwedeng maging SSS member ang mga non-working spouse
- BULGAR
- Sep 11, 2022
- 3 min read
@Buti na lang may SSS | September 11, 2022
Dear SSS,
Magandang araw SSS! Ako ay housewife at ang aking asawa ay nagtatrabaho sa kumpanya at naghuhulog sa SSS. Nais ko rin sanang maghulog sa SSS, ngunit ako ay hindi empleyado. May paraan pa ba na maging miyembro ako? - Selena
Sagot
Mabuting araw sa iyo, Selena!
Napapanahon ang iyong katanungan sapagkat kamakailan ay tinalakay ni Senator Pia Cayetano sa kanyang manipestasyon sa Senado ang tungkol sa pagbibigay ng pagkilala at suporta sa mga maybahay sa kanilang unpaid family work.
Kaugnay nito, ang SSS ay kaisa sa layuning ito na isinusulong ng ating butihing Senadora na nagtataguyod sa kapakanan ng ating kababaihan.
Sa katunayan, noong 1995 ay sinimulan na ng SSS ang pagsaklaw o pagbibigay ng social security coverage para sa ating mga maybahay na ang kanilang buong oras ay inilalaan sa pamamahala ng kanilang mga tahanan at pag-aasikaso sa pamilya.
Selena, maaaring makapaghulog sa SSS ang legal na maybahay na katulad mo na aktibong nagbabayad na miyembro ng SSS bilang Non-Working Spouse (NWS). Ngunit kinakailangan na ito ay may kaukulang pahintulot ng iyong asawa.
Ibabatay ang iyong monthly salary credit na ihuhulog mo sa SSS sa kalahati o 50% ng monthly salary credit ng iyong asawa na hindi naman bababa sa P1,000.
Kung sa nakalipas na mga taon ay hindi ka kailanman naging miyembro o naghulog sa SSS at wala ka pang 60 taong gulang, maaari kang kumuha ng iyong SS number online. Magtungo ka lamang sa SSS website, www.sss.gov.ph.
Subalit kung ikaw ay SSS member na, maaari kang magpalit ng membership upang ikaw ay mapabilang sa Non-Working Spouse sa pamamagitan ng pagsusumite ng Member Data Change Request Form sa SSS.
Halimbawa, ang iyong asawa ay manggagawa na naghuhulog ng regular sa SSS, kung saan kumikita at naghuhulog siya batay sa P16,000 monthly salary credit. Katumbas naman nito ay ang P 2,080 na kontribusyon kada buwan. Ikaw naman bilang kanyang asawa ay maaaring maghulog ng P1,040 na kontribusyon kada buwan bilang isang NWS na ibinatay sa P1,500 monthly salary credit (kalahati ng monthly salary credit ng iyong asawa).
At tulad ng ibang SSS member, kinakailangan mo ring magrehisto sa My.SSS portal na nasa SSS website at mag-generate ng Payment Reference Number (PRN) na kailangan sa pagbabayad.
Kung natugunan mo ang mga kuwalipikasyong nabanggit, kinakailangan mong punan at isumite ang Personal Record o ang dating tinatawag na E-1 Form na may pirma ng iyong asawa sa pinakamalapit na sangay ng SSS. Dapat ilakip sa Personal Record Form ang certified true copy ng inyong marriage certificate. Kung wala ka pang SS number, dapat isumite mo rin kasama ng E-1 Form ang certified true copy ng birth certificate o 2 valid ID upang magbigyan ka ng SS number mo. Matapos nito, maaari ka ng magbayad ng kontribusyon ng kada buwan o kaya quarterly.
Mahalaga na ang NWS ay regular na naghuhulog ng kontribusyon upang maging kuwalipikado siya sa mga benepisyo ng SSS para sa panganganak, pagkakasakit, pagkabalda, pagreretiro, pagpapalibing at pagkamatay gayundin sa mga pautang na programa nito tulad ng salary, calamity loans, atbp.
***
Nais naming ipaalam sa aming mga pensyonado na maaari silang mag-comply sa Annual Confirmation of Pensioners (ACOP) Program o ang taunang pagrereport ng mga pensyonado sa SSS hanggang Oktubre 31, 2022. Ang mga pensyonado na dapat tumugon sa ACOP ay mga retirement pensioners na naninirahan sa ibang bansa, total disability pensioner, survivor pensioner (death), at dependent (minor/incapacitated) pensioner sa ilalim ng guardianship.
***
Binuksan din ng SSS noong Agosto 15, 2022 ang Calamity Assistance Package (CAP) para sa mga miyembro at pensyonado na naapektuhan ng Magnitude 7 na lindol na tumama sa Abra noong Hulyo 27, 2022.
Ang CAP ay magbibigay ng tulong pinansyal sa mga miyembro at pensyonado sa lalawigan ng Abra at Mountain Province. Sa Abra, sakop ng programa ang mga bayan ng Bangued, Boliney, Bucay, Bucloc, Daguioman, Danglas, Dolores, Lacub, Lagangilang, Lagayan, Langiden, La Paz, Licuan, Luba, Malibcong, Manabo, Penarrubia, Pidigan, Pilar, Sallapadan, San Isidro, San Juan, San Quintin, Tayum, Tineg, Tubo, at Villaviciosa. Samantala, sa Mountain Province naman, kasama ang mga bayan ng Bauko at Besao.
Ang CAP ay binubuo ng Calamity Loan Assistance Program (CLAP) para sa SSS members at ang Three-month advance pension para sa mga SSS at Employee’s Compensation (EC) pensioners. Tatanggap ang SSS ng aplikasyon para sa naturang programa hanggang Nobyembre 14, 2022.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”
Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.


Comments