Publiko, maging matalino, kilatising mabuti ang iboboto
- BULGAR

- Sep 29, 2024
- 1 min read
by Info @Editorial | Sep. 29, 2024

Nakarehistro ka na ba? Pinapaalalahanan ng Commission on Elections ang publiko na hindi na palalawigin pa ang itinakdang deadline ng voter registration na magtatapos bukas, Setyembre 30. Ito ay upang bigyang-daan umano ang maayos na pagproseso ng iba’t ibang voter applications sa nalalabing mga araw ng voter registration period.
Kaya samantalahin na ang pagkakataon para makapagparehistro, mag-transfer o mag-reactivate ng voter registration bilang paghahanda sa 2025 elections. Paalala rin na hindi lamang ang mga botante sa loob ng bansa ang sakop ng deadline na ito kundi pati na rin ang overseas Filipino workers (OFWs).
Kasabay ng pagpaparehistro, kailangan na ring simulan ang pagkilatis sa mga kandidato kung saan, nagdaraos na ng mga proklamasyon ang mga gustong tumakbo. Sa bawat halalan, ang pagpili ng tamang kandidato ay isang napakahalagang proseso na hindi dapat ipagwalang-bahala.
Sa ilalim ng matinding pressure at impluwensiya ng media, social networks, at iba’t ibang interes, madalas tayong nahihirapang pumili. Gayunman, sa likod ng mga pangako at plataporma, kailangan nating maging maingat at wais sa pagpili.
Bago tayo bumoto, mahalagang suriin ang mga plataporma ng mga kandidato.
Mayroon bang konkretong plano para sa mga isyung mahalaga sa atin, gaya ng edukasyon, kalusugan, at ekonomiya? Isaalang-alang din ang kanilang mga nagawa sa nakaraan at higit sa lahat, ang kanilang moral at integridad.
Ang ating pagpili ay hindi lamang para sa kasalukuyan kundi para sa hinaharap. Ang ating boto ay may kapangyarihang maghubog ng mas maliwanag na kinabukasan.
Piliin ang kandidato na may bisyon para sa pag-unlad at kapayapaan.






Comments