top of page

Problemado sa mister na pumatol sa kasambahay

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 26, 2022
  • 2 min read

ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | January 26, 2022



Dear Sister Isabel,


Naisipan kong sumangguni tungkol sa problema ko na kahit minsan ay hindi ko akalain na daranasin ko. Mabait ang asawa ko, responsable, masipag, maalam sa gawaing bahay at mapagmahal. Sabi ko sa sarili ko nu’ng una, napakasuwerte ko, pero nang magsimula ang pandemic, malaki ang ipinagbago niya. Naging mainitin ang ulo niya at natuklasan ko na may relasyon sila ng katulong namin. Maghapon ako sa aking clinic kaya malaya sila na magkuwentuhan hanggang sa nagkaroon sila ng relasyon.


Nalaman ko ‘yun dahil nagsumbong ang isa ko pang katulong. Ngayon, wala na sa bahay ‘yung babae niya dahil pinalayas ko, pero tuloy pa rin ang ugnayan nila.


Masakit sa loob ko ang nangyayari dahil ayaw niyang umamin at naninigaw pa. Wala na ang dating mapagmahal at mabait niyang ugali. Iniisip ko tuloy na baka ginayuma siya nu’ng babae dahil hindi naman siya maganda at wala ring pinag-aralan, samantalang ako ay isang professional at may anak na kami.


Sister, naniniwala ba kayo sa gayuma? Marahil ay ginayuma ng babaeng ito ang asawa ko. Ano ang gagawin ko para matigil na ang kanilang relasyon? Kung may pangontra kayo sa gayuma, sabihin n’yo sa akin at gagawin ko ang lahat para mabalik ang dati naming pagmamahalan ng asawa ko at huwag na siyang tuluyang maagaw ng babaeng ‘yun.


Nagpapasalamat,

Mam Vicky ng Kamuning, Quezon City


Sa iyo, Mam Vicky,


Nakikisimpatya ako sa problema mo. Ganyan talaga ang mga lalaki, kahit perfect na ang asawa, nakukuha pa ring mambabae. Pero huwag kang mag-alala, past time lang nila ‘yun dahil sa tunay pa ring asawa siya maglalagi at uuwi. Ang sabi mo ay maghapon ka sa trabaho mo at sila ng ex-katulong n’yo ang magkasama maghapon, ‘yan pa marahil ang dahilan, wala ka nang time sa kanya. Sa gabi, siguradong pagod ka na rin dahil sa trabaho mo at natukso tuloy siya na patulan ang dati n’yong katulong at sabi mo ay ayaw naman niyang umamin. Makabubuting magkaroon kayo ng time mag-bonding, mamasyal kayo sa labas kahit isang beses lang sa isang linggo.


Ipakita mo na mahal na mahal mo siya, maging malambing ka rin. Ipadama mo na ikaw ang higit at dapat ka niyang mahalin.


Samantala, sa tanong kung naniniwala ba ako sa gayuma, oo ang sagot ko. Totoo ang gayuma, lalo na kung sa parteng Visayas o Mindanao nakatira ‘yung babae, pero may pangontra r’yan at walang iba kundi ang taimtim na dasal. Kabutihan o kaliwanagan pa rin ang mananaig at hindi ang kadiliman o kapangyarihang itim.


Sa pamamagitan ng matindi mong dasal nang walang halong pag-aalinlangan, lilipas ang bisa ng gayuma na ginamit ng babaeng ‘yan. Muling babalik ang tamis ng pagmamahalan n’yo ng asawa mo. Faith in God ang solusyon, kaya ipagdasal mo ang asawa mo. Mag-novena ka o magdebosyon, gayundin, hilingin mo na bumalik ang dating tamis ng pagmamahalan n’yo ng asawa mo at huwag na siyang matukso sa iba.


Naniniwala ako na diringgin ng Diyos ang panalangin mo.



Sumasaiyo,

Sister Isabel Del Mundo


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page