Search
  • BULGAR

Problemado sa love life, dapat isuot ang lucky color at lagyan ng puso ang dulo ng pirma

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| July 13, 2020



Dear Maestro,

Nagka-boyfriend na ako noon, pero sandali lang, tapos hindi na ulit nasundan. ‘Yung mga kaibigan ko ay may asawa at anak na, samantalang ako, zero pa rin ang love life at kinakabahan na baka tumandang dalaga. December 15, 1984 ang birthday ko at sabi n’yo, ang mga Taong Sais tulad ng birth date kong 15 (1+5=6) ay kandidata sa pagtandang dalaga. Ano ang dapat kong gawin para maging ligawin at hindi tumandang dalaga? Saka isa pa, Maestro sa palagay mo, sa edad kong 35, magkaka-boyfriend at makapag-aasawa pa ako?

Umaasa,

Jocelyn ng San Antonio, San Agustin, Isabela

Dear Jocelyn,

Ganyan talaga ang mga taong may birth date na 15 o 6 (1+5=6), ganundin silang may birth date na 24, karamihan sa kanila ay tumatandang dalaga. Subalit may solusyon naman upang maiwasan ang nasabing babala o warning ng kapalaran.


Ang una mong dapat gawin ay mapairal ang kamandag ng kulay na pula sa iyong buhay, na siya ring kaakibat na kulay ng birth date mong 15 o 6 (1+5=6) at zodiac sign mong Sagittarius.


Ibig sabihin, para maiwasan mong tumandang dalaga at maranasan ang kabiguan sa pag-ibig, dapat lagi kang magsuot ng pula, lalo na tuwing sasapit ang petsang 3, 12, 21, 30, 6, 15, 24, 9, 18 at 27, higit lalo kung ang nasabing mga petsa ay natapat sa araw ng Martes, Huwebes at Biyernes.


Samantala, bukod sa pula, ang destiny number mo namang 4 (12+15+1984=2011/ 20+11=31/ 3+1=31/ 3+1=1) ay nagsasabing, dilaw at berde ang secondary color mo. Ibig sabihin, dapat ka ring magsuot ng kulay na dilaw at berde, lalo na tuwing sasapit ang petsang 7, 16, 25, 2, 11, 20, 29, 1, 10, 19, 28, 4, 13, 22, at 31, at kung ang nasabing mga petsa ay natapat sa araw ng Linggo, Sabado at Lunes.


Bukod sa pagsusuot ng mapalad mong kulay, dapat mo ring baguhin ang sobrang liit at natapos sa maliit na bilog na iyong lagda, na tila ikinulong mo ang iyong sarili sa hoyo ng kalungkutan at pag-iisa.


Simula ngayon, dapat mo nang palayain ang iyong sarili sa matinding kalungkutan, pag-iisa at takot na tumandang dalaga. Dapat din namang magkaroon ka ng tiwala sa iyong sariling kakayahan at kagandahan. Mangyayari ang lahat ng ito kung lalakihan mo ang letra ng iyong lagda at aalisin ang bilog na kumukulong sa iyong pirma.


Magagawa mo ito kung imbes na ibalikwas pabalik sa direksiyong pakaliwa ang iyong lagda, sa pinaka-paa ng letrang “a”, idiretso mo na lang itong pasibatin sa direksiyong kanan, habang dapat tapusin ang nasabing paa ng letrang “a” sa pa-straight line na ang dulong mahabang tuwid na linyang ito ay korteng puso. Sa ganyang lagda, may puso sa dulo, tiyak ang magaganap dahil masasagap mo na ang tapat at panghabambuhay na pag-ibig.


Dagdag pa rito, dapat ding lagi kang maglalabas o dagdagan mo ang lakwatsa sa ika-21 ng Marso hanggang ika-27 ng Abril, mula sa ika-21 ng Hulyo hanggang ika-27 ng Agosto at mula sa ika-21 ng Oktubre hanggang ika-27 ng Disyembre, dahil sa mga panahong ‘yan, huhugot ang tadhana ng lalaking ihuhulog niya mula sa langit upang makasama mo habambuhay.


Sa pagpili ng mamahalin, upang makatiyak ng maligaya at panghabambuhay na relasyon, isaalang-alang ang mga lalaking may zodiac sign na Leo, Aries, Gemini, kapwa mo Sagittarius at isinilang sa buwan ng Mayo.


Sa sandaling nagawa mo ang mga rekomendasyong inilahad, tiyak ang magaganap – hindi ka tatandang dalaga, sapagkat sa 2021 hanggang 2022 sa edad mong 36 hanggang 37 pataas, magkaka-boyfriend ka na hanggang sa tuluyang makapag-asawa, hatid ng lalaking isinilang sa buwan ng Mayo, na medyo maskulado ang pangangatawan at may kayumangging balat.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.