top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Problemado dahil suko nang mag-aral pero gustong maka-gradweyt ng mga magulang

BULGAR
Mar 16, 2022
2 min read

ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | March 16, 2022


Dear Sister Isabel,


Nag-iisa akong anak, pero mahirap lang kami at madalas ay kapos sa mga pangangailangan sa pang-araw-araw na buhay.


Tinatamad na akong mag-aral. Kahit ano kasi ang gawin ko, hindi pumapasok sa utak ko ang mga pinag-aaralan namin. Pinipilit kong unawain, pero talagang blanko ang isip ko sa mga itinuturo sa school, napakarami pang assignment at wala namang magtuturo o aalalay sa akin para sagutin lahat ng mga takdang aralin.


Gusto ko nang tumigil sa pag-aaral kahit isang taon na lang ay tapos na ako ng high school. Ayaw ko na talagang tapusin ang pag-aaral ko. Paano ko sasabihin sa mga magulang ko ito para maunawaan nila ako at hindi sila magalit sa akin?


Madalas pa naman nilang sabihin na gagawin nila ang lahat, mapagtapos lamang ako dahil ‘yun lang ang kayamanang maipapamana nila sa akin upang maging maganda ang buhay ko sa hinaharap at makaahon kami sa hirap. Umaasa ako na mabibigyan n’yo ako ng payo sa problemang ito na idinulog ko sa inyo.


Nagpapasalamat,

Eric ng Novaliches



Sa iyo, Eric,


Ano naman ang pumasok sa kokote mo at ayaw mo nang tapusin ang iyong pag-aaral? Hindi mo ba alam kung gaano kahalaga na makapagtapos ng isang mataas na kurso? Stressed ka lang siguro dahil sa sitwasyon ngayon. Naniniwala akong lilipas din ang nararamdaman mo na parang nawawalan ka na ng pag-asa sa buhay. Habang may buhay, may pag-asa, ‘ika nga.


Marapat lamang na huwag kang tumigil sa pag-aaral, ituloy mo ito, gaanuman kahirap ang sitwasyon ng buhay n’yo ngayon.


Alalahanin mo ang iyong mga magulang na gagawin ang lahat, mapagtapos ka lang.

Batid nila, kapag ang tao ay walang pinag-aralan, mananatiling inaapak-apakan, minamaliit, inuutus-utusan dahil hindi abot ng kanilang kaisipan ang kakayahan ng mga nakapagtapos ng kolehiyo. Mananatili sila sa mababang kalagayan o hirap ma-promote sa pinapasukan. Gusto mo bang mangyari ‘yan sa iyo? Siyempre, hindi. Mas gusto mong maging boss o mismong may-ari ng kumpanya at makakamit mo ‘yan kapag nakapagtapos ka ng pag-aaral. May angkin kang talino at kaya ka lang tinamad mag-aral ay dahil sa kapos kayo sa pinansiyal na aspeto, nakadagdag pa ang pandemyang nararanasan natin sa kasalukuyan.


Kaya mo ‘yan, magdasal ka at manalangin sa Diyos na bigyan ka ng lakas ng loob, talas ng isipan at katalinuhan upang maipagpatuloy mo ang iyong pag-aaral. Hindi mo na kailangang kausapin ang mga magulang mo dahil lalo lang hindi magiging maganda ang susunod na mangyayari at mas madaragdagan pa ang problema mo.


Hanggang dito na lang. Hangad ko ang iyong tagumpay at masaganang pamumuhay sa darating na mga araw.



Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo




Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page