top of page

Posisyon sa gobyerno, hindi gantimpala sa kaalyado

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 7 hours ago
  • 1 min read

by Info @Editorial | May 24, 2025



Editorial

Sa ilalim ng isang gobyerno na nangangakong maghahatid ng maayos, mabilis, at tapat na serbisyo, walang puwang ang mga opisyal at empleyado na inutil, pabaya, o tiwali. Kaya’t kung may dapat sibakin — sibakin.


Ang posisyon sa gobyerno ay hindi gantimpala para sa mga kaalyado o kaibigan, kundi isang mabigat na responsibilidad para sa bayan. Ang bawat manggagawa sa gobyerno ay tagapamahala ng mahahalagang ahensya: edukasyon, kalusugan, agrikultura, transportasyon, at iba pa. Ang kanilang kakayahan o kakulangan ay may direktang epekto sa buhay ng milyun-milyong Pilipino.


Kung may opisyal o tauhan na hindi makapaghain ng solusyon sa krisis, palaging may sablay sa pagpapatupad ng programa, o paulit-ulit na nababalot sa kontrobersiya — bakit mananatili pa siya sa puwesto?


Sa isang sistemang madalas ay tikom ang bibig sa kapalpakan ng mga kaalyado, ang desisyong magsibak ay senyales ng tapang at paninindigan.


Ngunit hindi sapat ang sibak lang nang sibak. Dapat masiguro na ang ipapalit ay may tunay na kakayahan. Dapat ito’y may track record ng serbisyo, hindi ng kampanya.


Kung nais ng pamahalaan na mapanatili ang tiwala ng publiko, kailangang ipakita nito na ang kapalpakan ay may kapalit — at ang serbisyo-publiko ay hindi puwedeng gawing personal na negosyo.


Kommentare


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page