Porblema sa sirang kalsada tuwing tag-ulan, aksyunan na
- BULGAR
- Jun 19, 2024
- 1 min read
@Editorial | June 19, 2024

Ngayong tag-ulan, hindi na bago sa atin ang mga problema sa baha at mga sirang kalsada.
Hindi maitatanggi na sa bawat pagbuhos ng ulan ay tila isang paalala ng kahinaan ng ating mga imprastruktura. Sa bawat sirang kalsada na dulot ng ulan, bawat mamamayan ay naaapektuhan, ganundin ang ekonomiya ng bansa.
Ang mga sirang kalsada ay nagiging sanhi ng matinding trapik, aksidente, at pagkasira ng mga sasakyan.
Ang kalagayang ito ay hindi lamang nakakainis, kundi mapanganib din para sa kaligtasan ng lahat ng gumagamit ng lansangan.
Ang paulit-ulit na problema sa kalsada tuwing tag-ulan ay isang malinaw na indikasyon na kinakailangan ng malalimang pagsusuri at pagpaplano. Nararapat lamang na isaalang-alang ang paggamit ng mas matitibay na materyales na kayang tumagal sa malalakas na ulan at pagbabago ng klima.
Ang pagpapanatili ng kalidad ng mga kalsada ay hindi dapat binabalewala, ang bawat sirang bahagi ay kailangang agad na inaaksyunan upang hindi lumala ang pinsala.
Ang pamahalaan ay may malaking responsibilidad sa pagtugon sa problemang ito. Dapat tiyakin na may sapat na pondo at programa para sa regular na inspeksyon at maintenance ng mga kalsada.
Panawagan naman sa publiko, maging mapagmatyag at i-report agad sa kinauukulan ang mga sirang kalsada nang sa gayun ay mabilis itong maaksyunan. Iwasan din ang pagtatapon ng basura sa lansangan at mga kanal upang maiwasan ang pagbara at pagkasira ng mga ito.
Panahon na upang kumilos at magtulungan para sa mas ligtas at maayos na kalsada.
Comentários