Planong tumakas dahil suko na sa pang-aabuso ng amo sa Hong Kong
ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | January 23, 2022
Dear Sister Isabel,
Nandito ako ngayon sa Hong Kong at hindi ko alam ang gagawin. Tinulungan ako ng tiyahin ko na makapagtrabaho bilang sekretarya ng isang Indian national, pero pagdating dito ay all around pala. Pati gawain sa bahay ng employer ko ay pinagagawa sa akin na para bang domestic helper ang trabaho ko. Wala na akong nagawa dahil nandito na ako at nakapirma sa dalawang taong kontrata. Tinitiis ko na lang ang lahat, hanggang isang araw ay napansin ko ‘yung pamangkin ng boss ko na kung makatingin sa akin ay para akong matutunaw, kumbaga, may pagnanasa kung siya’y tumingin at ang ama niya na kapatid ng boss ko ay puro paninira sa aking employer.
Napansin kasi niya na magaan ang loob ng boss ko sa akin. Noong una, hindi ko ‘yun pinapansin, pero kamakailan ay nagbago ang pakikitungo ng boss ko sa akin. Palagi siyang nakasigaw at panay ang utos at halos wala na akong pahinga. Pati pag-aalaga ng ate niyang may sakit ay iniatang na rin sa balikat ko. Napakahirap niyang alagaan, lalo na’t dumudumi sa higaan niya, matanda na rin siya at hindi na alam ang ginagawa. Hirap na hirap na ako, kaya balak kong tumakas para matapos na ang paghihirap ko.
May contact akong Filipina friend na nakapag-asawa rito at citizen na rin at naghahanap lang ako ng timing, tama ba ang gagawin ko? Umaasa ako na mabibigyan n’yo ako ng kaukulang payo.
Nagpapasalamat,
Mayleen ng Hong Kong
Sa iyo, Mayleen,
Mag-isip-isip ka munang mabuti sa balak mong pagtakas sa amo mo. Unang-una, puwede kang kasuhan ng breach of contract at lalong mahirap kung makukulong ka r’yan. Makabubuting kausapin mo ang iyong tiyahin na nagpasok sa iyo r’yan at sabihin mo lahat sa kanya ang problema mo. Sabihin mo na hindi mo na kaya ang mga pinagagawa sa iyo.
Sa palagay ko ay tutulungan ka niya dahil siya ang kakausap sa boss mo para matigil na ang hindi makataong pagtrato nila sa iyo. Kung hindi pa rin malagay sa ayos ang lahat, saka ka na lang magpatulong sa kaibigan mo r’yan. Puwedeng mag-resign ka na trabaho mo para i-terminate na ng amo mo ang contract n’yo at sabihin mo na dahil sa health problem, kaya hindi mo na kayang magtrabaho.
Puwede ka nang humanap ng ibang employer kung ire-release ka na ng amo mo. Sa parteng ‘yan, tiyak na tutulungan ka ng iyong kaibigan na puwedeng ring siya na mismo ang maging bago mong employer na siyang pipirma sa bago mong contract bilang domestic helper.
Kasihan ka nawa ng Diyos sa pagtatrabaho mo r’yan sa Hong Kong. Huwag kang makakalimot magdasal dahil ‘yan ang mabisang sandata upang magaan mong maisakatuparan ang napasukan mong sitwasyon d’yan. Minsan kasi, nakakalimot na ang mga tao sa pagdarasal. Baka isa ka na r’yan kaya ka dumaranas ng matinding pagsubok d’yan sa abroad.




Comments