ni Angela Fernando @News | August 1, 2024

Inanunsyo ng Department of Transportation (DOTr) ang kanilang intensyon na ipagpatuloy ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) nitong Huwebes sa kabila ng resolusyon ng Senado na isuspinde ito.
Nilinaw ni DOTr Undersecretary Andy Ortega na bagama't nirerespeto ng ahensya ang hakbang ng Senado, balak pa rin nilang ipagpatuloy ang programa at tugunan ang mga isyung inilabas ng mga stakeholders.
Dagdag pa ni Ortega, alam ng DOTr na kaya nilang bigyang-solusyon ang mga problema sa usaping konsultasyon habang ongoing pa ang programa.
Matatandaang kamakailan lang ay 22 sa 23 senador ang lumagda sa panukalang Senate Resolution 1096 na humihimok sa pamahalaan na pansamantalang suspindihin ang pagpapatupad ng PUVMP, na ngayon ay tinatawag nang Public Transport Modernization Program (PTMP).
Comments