top of page
Search
  • BULGAR

Pinagpalit ng mister sa mapera, super-hirap dahil solo ang 3 anak

ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | May 2, 2022


Dear Sister Isabel,


Hindi ko na alam kung paano itataguyod ang buhay naming mag-iina dahil sumakabilang bahay na ang asawa ko at du’n na siya tumira sa kabit niya. Hindi ko siya masisisi dahil mayaman ‘yung babae at gustong-gusto siya. Sawa na rin kasi sa hirap ang asawa ko at kahit ano’ng gawin naming kayod, hindi kami makaahon sa hirap.


Kaya lang, ang malungkot nito, tuluyan na niya kaming pinabayaan na para bang wala siyang mga anak sa akin. Tatlo ang anak namin, 10-anyos ang panganay, habang ‘yung pangalawa ay 8 at ang bunso ay 6 pa lang.


Balak kong mangibang-bansa dahil may nag-offer sa akin ng trabaho ru’n at malaki ang suweldo kaya tiyak na giginhawa ang buhay naming mag-iina. Kaya lang, wala akong mapag-iiwanan sa mga anak ko. Matanda na ang mga magulang ko at ang mga kapatid ko ay may kani-kanya nang pamilya. Naguguluhan talaga ako, kaya sana ay mapayuhan n’yo ako.


Nagpapasalamat,

Imee ng San Jose Del Monte



Sa iyo, Imee,


Sa panahon ngayon, pangkaraniwan na ang problemang inilahad mo sa akin. Ang maipapayo ko ay ‘wag mong iwanan ang mga anak mo. Magsama kayo sa hirap at ginhawa dahil walang ibang magmamalasakit sa mga anak mo kundi ikaw. Magsisisi ka lang sa bandang huli kung iiwan mo sila ngayon para lamang kumita ng malaki sa abroad at guminhawa ang pamumuhay n’yo.

Hindi ka naman nakakasiguro kung totoo ang offer sa iyo na magandang trabaho sa abroad at baka lalo ka lang dumanas ng grabeng hirap, bukod pa sa malayo ka sa mga anak mo.


Gayunman, manatili ka rito sa Pilipinas dahil ‘pag masipag ka rito at nananalig sa Diyos, tiyak na makakaraos ka rin. Mag-isip ka ng pagkakakitaan na maliit lang ang puhunan, halimbawa ng mga merienda na tusok-tusok kung tawagin. Maliit lang puhunan du’n, pero tiyak na ubos ang tinda mo isang araw.


Sa patnubay ng Diyos, sigurado akong maitataguyod mo ang pang-araw-araw n’yong pamumuhay. Sa mga anak mo naman, mayroong nagbibigay ng scholarship, kaya idulog mo sila ru’n. Mayroon ding programa ang gobyerno para sa mga solo parent na tulad mo, kaya lumapit ka rin sa kanila.


Maging matatag ka sa mga problema, alang-alang sa mga anak mo na balang-araw, sila naman ang magpapaginhawa sa buhay mo, basta’t maging maayos lang ang upbringing mo sa kanila. Palakihin mo sila nang maayos, madasalin, may respeto sa magulang at iba pang magagandang ugali. Natitiyak ko na hindi kayo pababayaan ng Diyos.


Papatnubayan Niya kayo habambuhay.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page