Pilipinas, kulelat pa rin sa COVID-19 resilience ranking ng Bloomberg
- BULGAR

- Dec 2, 2021
- 1 min read
ni Jasmin Joy Evangelista | December 2, 2021

Nananatiling kulelat ang Pilipinas sa COVID-19 resilience ranking ng Bloomberg para sa buwan ng Nobyembre.
Ito ay sa kabila ng pagbaba ng mga kaso ng COVID-19, pag-iibayo ng bakunahan at pagluluwag sa mga negosyo.
Batay sa datos na inilabas ng Bloomberg, nasa ilalim ng 53 bansa ang Pilipinas na may resilience score na 43.1.
Mas mataas ito sa marka na nakuha ng Pilipinas noong Oktubre na 40.5 pero nasa ika-53 puwesto rin.
“Southeast Asia continues to populate the bottom of the Ranking, with the Philippines remaining in last place, followed by Indonesia, Vietnam and Malaysia," ayon sa ulat ng Bloomberg.
"The lowest two places on the Ranking have given out less than 100 Covid shots per 100 people, a key barrier to improving their scores," paliwanag nito.
Ayon sa ulat, nakapagbibigay lang ng 73.2 doses per 100 people ang Pilipinas.
Nanguna sa listahan ang United Arab Emirates na may resilience score na 73.2.
Sumunod ang Chile (72.6), Finland (71.3), Ireland (71.2), at Spain (70.9).
Ang mga pamantayan sa resilience score ang vaccination coverage, virus containment, mga ipinatupad na lockdown, kalidad ng healthcare system, muling pagsisimula ng pagbiyahe, at overall mortality sa kabuuan ng pandemic.
Samantala, sinabi ni acting presidential spokesperson Karlos Nograles na magagamit nila ang ulat ng Bloomberg para sa ipinatutupad na pandemic response at aniya pa, magkakaiba ang sitwasyon ng mga bansa sa pagharap sa pandemic.








Comments