PFL, isinasaayos na ang national training center
- BULGAR

- Jul 17, 2020
- 2 min read
ni Anthony Servinio - @Sports | July 17, 2020

Binibilisan na ng Philippine Football Federation (PFF) ang pagsasaayos ng PFF National Training Center para gamitin sa mga ensayo ng mga koponan at mga opisyal na laro ng 2020 Philippines Football League (PFL). Hinihintay na lang ang kuryente para sa mga ilaw sa tatlo nitong mga pitch.
Binubuo ang sentro ng isang opisyal na pitch na may sukat na 105 X 68 na metro at pinondohan ng FIFA. Katabi nito ang dalawang maliit na pitch na 40 X 20 metro at galing sa pondo ng Asian Football Confederation (AFC).
Matatagpuan ang PFF NTC sa loob ng San Lazaro Leisure and Business Park malapit sa karerahan ng kabayo. Dalawang hektarya ang rinerenta ng PFF sa Manila Jockey Club Inc. (MJCI) at may planong tayuan ito ng mga opisina at dormitory sa hinaharap.
Samantala, lalong lumakas ang suporta ng Qatar Airways sa parating PFL. Malugod na binalita ng PFF na natanggap na nila ang unang bahagi ng napagkasunduang sponsorship ng malaking airline para sa susunod na tatlong taon.
“Qatar Airways has already remitted 50 percent of its sponsorship for the PFL for 2020,” wika ni Mariano Araneta, ang presidente ng PFF. “The partnership with Qatar Airways is a good development for the growth of Football, they made good on their promise to support Philippine Football.”
Ayon kay PFL Commissioner Coco Torre, maaring maglaro lang ng single round sa taong ito o limang laro bawat koponan. Karaniwan ay dalawa hanggang apat na beses naghaharap ang mga koponan.
Ang kampeon ng 2020 PFL ay pasok na agad sa group stages ng 2021 AFC Asian Champions League at hindi na kailangan dumaan sa playoff. Malaking pagkakataon ito para harapin ng mga Pinoy ang mga higante ng kontinente at lalong umangat ang antas ng laro sa bansa.








Comments