top of page

Permanenteng trabaho at relasyon, darating sa 2023 kung aayusin ang pirma

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 7, 2021
  • 2 min read

Updated: Jan 9, 2021

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| January 7, 2021



Dear Maestro,


Naisipan kong sumangguni sa inyo dahil nagtataka ako, kasi hanggang ngayon ay hindi pa rin ako nakakatagpo ng permanenteng trabaho at girlfriend, gayundin, puro panandalian lang ang relasyong nararanasan ko. Gusto kong malaman kung kailan ako magkakaroon ng magandang trabaho at magkaka-girlfriend ng seryoso at pangmatagalan? At panghuli, pakianalisa na ang aking lagda— kung okey o may dapat pa akong baguhin upang gumanda at magbago rin ang kapalaran ko?


Sa edad kong 28, gusto ko nang magka-girlfriend, makapag-asawa at magkaroon ng maunlad at masayang pamilya, mangyayari ba ito, kung oo, sa paanong paraan? June 5, 1992 ang birthday ko.

Umaasa,

Edwin ng Panilao, Pilar, Bataan

Dear Edwin,


Ayon sa zodiac sign mong Gemini at birth date na 5 sa destiny number na nagkataong 5 rin (6+5+1992=2003/ 20+03=23/ 2+3=5), para makatagpo ka ng permanenteng trabaho, ang dapat mong hanaping kumpanya, opisina o kahit factory na ang nature ng kanilang negosyo ay may kaugnayan sa sa komunikasyon, mass media, social media, internet at travel, dahil dito ka susuwertehin at may naghihitantay sa iyong magandang kapalaran.


Bukod sa nasabing mga kumpanya na may kaugnayan sa modernong komunikasyon at paglalakbay, puwede ka ring sumubok mag-abroad dahil sa pangingibang-bansa o pagnenegosyo, kapag may sapat kang puhunan, sigurado at tiyak kang yayaman.


Hinggil naman sa paghahanap ng permanente at pangmatagalang karelasyon, ayon pa rin sa zodiac sign mong Gemini at birth date na 5, “Mercurian type of personality” na babae ang dapat mong ligawan at maging kasintahan upang makaranas ka ng masaya at pangmatagalang karelasyon.


Ang mga babaeng nagtataglay ng “Mercurian type of personality” ay silang mga babaeng medyo maliit o mababa ang height, cute at pang-pocket size ang dating, bilugan hanggang sa korteng puso at pa-square ang hugis ng mukha, gayundin ang hugis ng buhok ay pa-square. Habang maliit na payat ang sulat kamay, na mabilis niyang isinusulat. Dagdag pa rito, mabilis din siyang magsalita, kumilos, laging aligaga at mabilis ding lumakad.


Ang ganyang uri ng babae ang ka-compatible mo, na tiyak ang magaganap kung saan sa sandaling siya ang naging girlfriend mo at tuluyang napangasawa, magiging maligaya ang itatayo n’yong pamilya at panghabambuhay mo na rin siyang makakasama.


Habang hinggil naman sa iyong lagda, okey at maganda na ‘yan. Ang dapat na lang gawin ay bahagyang inobasyon kung saan imbes na maikli ang krokes sa ibabaw ng letrang “t” sa iyong apilido, habaan mo ito nang mahabang-mahaba, at mas maigi ring tapusin ito sa isang straight line.


Sa ganyang paraan, kapag mahabang-mahaba na ang korkes ng letrang “t” sa iyong pirma at tinapos mo sa straight line, tuluy-tuloy mo nang makakamit ang lahat ng ambisyon at pangarap mo sa buhay.


Ayon sa Decadens ng Kapalaran, habang patuloy kang naghahanap ng trabaho at babaeng inilarawan sa itaas, tiyak ang magaganap sa 2023 hanggang 2024. Isa-isa nang matutupad ang mga pangarap mo sa buhay – isang matatag na trabaho at kasabay nito, magkakaroon ka na rin ng girlfriend kung saan ang nasabing babae na may zodiac sign na Aquarius ang siya mo na ring mapapangasawa at makakasama sa pagbuo ng simple pero maunlad at maligayang pamilya habambuhay.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page