top of page
Search
  • BULGAR

Pensiyunado ng SSS, patuloy na tatanggap ng pensiyon

@Buti na lang may SSS | July 12, 2020


Dear SSS,

Magandang araw! Nais ko sanang itanong kung ano’ng mangyayari sa pensiyon ng ate ko. Hindi pa siya nakapag-report sa taunang ACOP ng SSS. Hindi ba matitigil ang pensiyon niya? Kailan naman ba puwede ulit mag-report sa SSS? Salamat po. – Amy

Sagot

Mabuting balita, Amy! Pansamantalang sinuspinde ng SSS ang Annual Confirmation of Pensioners Program (ACOP) dahil sa patuloy na implementasyon ng community quarantine sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Habang umiiral ang community quarantine, hindi obligado ang ate mo na magtungo sa sangay ng SSS o sa kanyang depository bank bilang pagtugon sa ACOP. Nauunawaan namin na karamihan sa mga pensiyunado ay matatanda o mayroong karamdaman at kabilang sa indibidwal na madaling kapitan ng lumalaganap na sakit na Coronavirus Disease 2019 (COVID-19). Ito rin ay bilang pagsunod sa pamantayan ng pamahalaan na nagbabala sa mga nakatatanda na manatili sa loob ng tahanan upang makaiwas sa nasabing pandemya.


Ang ACOP ay programa na nag-aatas sa mga pensiyunado na taunang mag-report sa SSS upang masigurong tuluy-tuloy ang pagtanggap ng kanilang benepisyo mula sa SSS. Ipinatupad ito noong 2012 upang maiwasan na ang pagtanggap ng buwanang pensiyon ay sa mga hindi karapat-dapat makinabang dito.


Ang mga pensiyunado na pansamantalang hindi muna kinakailangang tumugon sa ACOP ay ang mga sumusunod: mga pensiyunadong naninirahan sa ibang bansa, total disability pensioners, survivor pensioners kabilang ang kanilang mga dependent children at ang kanilang guardian o tagapangalaga, kung mayroon man.


Hindi rin dapat mangamba ang ate mo, Amy dahil patuloy siyang tatanggap ng kanyang buwanang pensiyon. Ipinasya ng SSS na patuloy na ibigay ang buwanang pensiyon ng mga pensiyunado kahit pa hindi sila nakatugon sa requirements ng ACOP simula noong Pebrero 2020 hanggang sa katapusan ng community quarantine period.


Samantala, patuloy na magsasagawa ang SSS ng beripikasyon kung nananatiling buhay ang isang pensiyunado o patay na. Ito ay isasagawa gamit ang Data Matching of Pensioners’ Records. Ito rin ang proseso na ginagamit ng SSS sa pagberipika ng status ng retiree-pensioners na may edad 85 taong gulang pababa sa mga nakalipas na taon.


Kapag tinanggal na ang ipinapatupad na community quarantine, bibigyan pa ang mga pensiyunado ng karagdagang 60 araw na palugit upang makatugon sa ACOP. Kung hindi pa makatutugon ang pensiyunado, awtomatikong sususpindehin na ng SSS ang buwanang pensiyon nito.


Samantala, ang mga pensiyunado na suspendido na ang mga pensiyon bago pa man magpatupad ng community quarantine sa bansa ay bibigyan ng online option upang makatugon sa ACOP. Ang nasabing mga pensiyunado ay maaaring mag-file ng ACOP sa pamamagitan ng pag-sumite ng pinunuang. ACOP form. Maaari nilang i-download ang ACOP form sa SSS website (www.sss.gov.ph)


◘◘◘


Kung mayroon kayong mga katanungan ukol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page