Pekeng sundalo, arestado sa boga
@Balitang Probinsiya | October 02, 2023
CAVITE -- Isang pekeng sundalo ang inaresto ng pulisya matapos na makumpiskahan ng isang baril kamakalawa sa Bgy. Paliparan 3, Dasmarinas City sa lalawigang ito.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si Sherwin Memije, 39 at residente sa nabanggit na barangay.
Ayon sa ulat, nakita ng mga nagpapatrulyang tauhan ng pulisya si Memije na nakasuot ng uniporme ng sundalo at may nakasukbit na baril habang naglalakad sa nasabing lugar.
Nang sitahin ng mga awtoridad kung may permit mula sa Comelec ang dalang baril ni Memije dahil sa ipinaiiral na gun ban sa bansa, ay wala itong naipakita kaya’t agad itong dinisarmahan at nang beripikahin sa Armed Forces of the Philippines(AFP) kung sundalo ang suspek ay napag-alaman na peke ito.
Dahil dito ay sinampahan ng pulisya si Memije ng mga kasong illegal possession of firearms and ammunitions, paglabag sa Comelec gun ban at Usurpation of Authority.
Nakapiit na ngayon ang suspek sa detention cell ng himpilan ng pulisya.



Comments