Panliligaw sa 3 bebot, dapat i-stop dahil walang mapapasagot

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad| January 29, 2021

KATANUNGAN
1. Naisipan kong sumangguni sa inyo dahil ang problema ko ay hanggang ngayon, 28-anyos ako pero hindi pa rin ako nagkaka-girlfriend kahit kailan. Masipag naman akong manligaw, kaya lang, palagi akong naba-busted ng mga nililigawan ko.
2. Pero hindi pa naman ako nawawalan ng pag-asa, kaya ngayon, tatlong babae ang sabay-sabay kong nililigawan. May mapapasagot na ba ako sa kanila? Ito ang mga birthday ng nililigawan ko: August 3, 1993, October 15, 1994 at December 12, 1995. September 16, 1992 naman ang birthday ko.
KASAGUTAN
1. Wala sa tatlong babaeng sinasabi mo ang magiging permanente mong girlfriend. Ibig sabihin, wala kang mapapasagot sa tatlong nililigawan mo dahil hindi mo sila ka-compatible sa birth date at zodiac sign. Ganito rin naman ang nais sabihin ng mapangit, may bilog at putol na Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow a.) sa simula hanggang gitnang bahagi sa kaliwa at kanan mong palad. Pero kapansin-pansin na naayos at gumanda naman ang dating pangit na Heart Line (Drawing A. at B. h-h) sa gitna hanggang sa dulong bahagi (arrow b.).
2. Ibig sabihin, hindi pa ngayon lulutang ang babaeng hinihintay mong magiging permanente at totohanang girlfriend. Sa halip, approximately o humigit-kumulang sa edad mo pang 29 hanggang 30, na ang pag-aanalisang ito ay pinatunayan naman ng kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow c.) na luminya ng lagpas sa kalagitnaang bahagi ng salalayan nito sa kaliwa at kanan mong palad.
3. Kaya tulad ng nasabi na, ang mas maganda mong gawin ngayon ay mag-ipon ka ng maraming pera, sapagkat sa susunod na taon, kusang darating ang isang babae na magiging girlfriend mo at makakasama habambuhay, darating siya sa isang pagkakataon at lugar na hindi mo inaasahan. At dahil sa panahon ngang ‘yun ay magkaka-girlfriend ka na, mas okey kung marami kang budget upang lalong maging masaya at mapanatili mo ang maligaya at panghabambuhay na relasyon.
DAPAT GAWIN
Habang, ayon sa iyong mga datos, Rommel, mas makabubuting itigil mo na ang panliligaw sa tatlong babaeng ito dahil malaki ang posibilidad na maba-busted ka na naman.
Sa halip, hintayin mong tumuntong ang edad mo sa 29, matapos ang birthday mo sa Setyembre. Sa ganyang paraan, makikita mo na sa panahong tinuran, kusang darating ang babaeng inilaan sa iyo ng kapalaran, na isinilang sa zodiac sign na Taurus, na may birth date na 2, 20, 13, 19 o 29. Siya ang iyong magiging girlfriend at siya na rin ang tuluyan mong mapapangasawa at makakasama sa pagbuo ng maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya sa taong 2022 sa edad mong 30 pataas.




Comments