by Info @Editorial | Dec. 5, 2024
Isang bagong anyo ng pagsasamantala sa mga bata ang patuloy na umuusbong sa internet — ang online prostitution.
Isang masaklap na katotohanan na ang ating mga kabataan ay napapabilang sa mga biktima ng ganitong klaseng pang-aabuso, isang pagsasamantala na hindi lamang nagmumula sa mga hindi kilalang tao kundi pati na rin sa mismong pamilya nila.
Sa kabila ng mga pagsusumikap na sugpuin ang child exploitation, hindi pa rin natitinag ang mga sindikato at mga magulang na handang ibenta ang kanilang mga anak para sa pera.
Sa kabilang banda, ang mga batang hindi pa kayang maunawaan ang nangyayari ay magdudulot ng grabeng trauma at pagkasira ng kanilang mga buhay.
Kadalasan, ang mga magulang o kamag-anak ang mismong nagiging “tulak” sa kanilang mga anak sa ganitong uri ng pang-aabuso, kung saan ang internet at mga online platform ay nagiging kasangkapan para sa kanilang negosyo ng pagpapakita ng katawan at sekswal na aktibidad ng bata.
Ang mga ganitong gawain ay hindi lamang isang paglabag sa batas kundi isang paglapastangan sa bawat karapatan ng isang bata — ang karapatang mabuhay sa ligtas na kapaligiran at ang karapatang ituring silang may dignidad.
Bilang isang lipunan, hindi natin dapat hayaan ang mga bata na maging biktima ng isang sistema na nagtutulak sa kanila sa madilim na landas ng pagsasamantala.
Ang kanilang mga katawan ay hindi kalakal, at ang kanilang dignidad ay hindi nasusukat sa halaga ng pera.
Comentarios