Pagtulong sa mga binagyo, ‘di kailangan ng camera, press release
- BULGAR

- Jul 26
- 1 min read
by Info @Editorial | July 26, 2025

Sa tuwing dumaraan ang malalakas na bagyo, likas na ang pagkakaisa ng mga Pilipino sa pagtulong sa kapwa.
Maraming nagsasagawa ng relief operations, donation drives, at iba pang paraan upang maipaabot ang tulong sa mga nasalanta. Subalit, hindi rin maiiwasang mapansin ang ilang indibidwal at grupo na ginagawang plataporma ang trahedya para sa pansariling kapakinabangan — lalo na sa larangan ng pulitika at social media.
Minsan ay mas maraming effort pa ang inilalaan sa documentation kaysa sa aktuwal na pagtulong.
Hindi dapat gawing entablado ng pagpapapansin ang kalamidad. Ang tulong ay dapat mula sa taos-pusong malasakit, hindi mula sa kagustuhang makakuha ng likes, views, o boto.
Ang mga biktima ng kalamidad ay nangangailangan ng mabilis at epektibong tulong, hindi ng palabas. Hindi nila kailangan ng mga camera o press release — ang kailangan nila ay pagkain, tubig, gamot, at ligtas na matutuluyan.
Tungkulin ng mga nasa posisyon — lalo na ang mga lingkod-bayan — na tumugon sa pangangailangan ng mamamayan sa oras ng sakuna. Hindi ito dapat isinasabay sa kampanya o anumang political agenda.
Sa parehong paraan, ang mga pribadong indibidwal at organisasyon ay inaasahang maging mas sensitibo.
Huwag na nating haluan ng gimik ang pagtulong. Sa halip, pairalin natin ang tunay na diwa ng pagkakaisa: taos-puso, maagap, at walang kapalit. Sa ganoong paraan, hindi lamang tayo nakakatulong — nagiging inspirasyon din tayo sa lipunan.





Comments