top of page

Ang makasaysayan at banal na buwan ng Setyembre

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 10, 2022
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 10, 2022


Tuwing sumasapit ang Setyembre, nabubuhay ang maraming masasakit ngunit mahahalagang alaala. Matatandaang, Setyembre naganap ang Martial Law, 9-11 o pagbomba sa Twin Towers.


Kasabay ng malulungkot at masasakit na alaala ay ang mga maluwalhati at banal na pista ng mga santo. Tuwing ika-8 ng Setyembre ay ang kaarawan ng Mahal na Birheng Maria. Tuwing ika-14 ng Setyembre ay ang Pista ng Banal na Krus. Ang kasunod na araw nito, ika-15 ng Setyembre ay ang pista ng Birhen ng Dalamhati. Magkasunod ang dalawang pista para ipakita ang matalik na kaugnayan ng paghihirap ni HesuKristo (sa Krus) at ang pagdadalamhati ng kanyang ina. At tuwing ika-29 ng Setyembre naman ay ang anibersaryo ng pagkamartir ni San Lorenzo Ruiz na pinatay sa Japan.


Kakaiba talaga kung buhay ka noong naganap ang pangyayari, masaya o malungkot man ito.


Ako ay nasa unang taon sa kolehiyo noong ideklara ni Marcos ang Batas Militar o Martial Law noong ika-21 ng Setyembre 1972. Naalala ko pa ang tinig ni Francisco “Kit” Tatad habang ibinababa ang Proclamation 1081 na naglalagay sa buong bansa sa ilalim ng batas military. Tila umaga noon at kumakain pa kami ng agahan sa seminaryo. Biglang nawalan ng klase ng halos isang buwan at mabilis nagbago ang maraming bagay mula noong araw na iyon. Noon namang naganap ang 9-11 ay tumatakbo tayo sa iba’t ibang bahagi ng Australia para hingin ang pagpapatawad sa utang ng Pilipinas sa iba’t ibang bansa. Kung hindi tayo nagkakamali ay meron noong utang na humigit kumulang $75 milyon (Australian Dollar). Hindi man ganun kalaki ang utang, magandang simula na rin iyon kung makikinig ang gobyernong Australyano. Subalit bago pa totoong mapansin ang kampanyang “RUN to Drop the Debt” nangyari ang pagbomba sa Twin Towers ng World Trade Center sa New York gamit ang dalawang eroplano. Anuman ang nangyayari sa iba’t ibang bahagi ng mundo ay tila nawalan ng bigat at saysay nang lumabas nang paulit-ulit ang imahe ng dalawang magkasunod na eroplanong pumasok sa bandang itaas ng Twin Towers ng World Trade Center sa New York.


Hindi lang ang mga Amerikano ang nagitla at inunahan ng naghalu-halong matinding lungkot, takot at galit. Napag-isa ng pangyayari ng naturang 9-11 ang buong mundo na nakita at naramdaman ang tindi at katotohanan ng terorismo.


Ngayong Setyembre, ano ang namamayaning kaisipan at damdamin sa mamamayan? Pagsuko ba at kawalan ng lakas at pag-asa na ipagpatuloy ang sinimulang mabuting laban? Madalas natin makausap ang mga nadismaya sa resulta ng eleksyon noong Mayo. Masyadong masakit at mabigat ang tama sa kanila ng pagkapanalo ng idineklara ng COMELEC na panalo. Hanggang ngayon, hirap silang gumawa at kumilos, tulad ng dati na buong sigla at pag-asa. Tila gumuho ang malaking bahagi ng kanilang buhay. Sabi nga ng isang kausap ko, “Kay hirap mo palang mahalin Inang Pilipinas. Pagkatapos kong gawin at isakripisyo ang lahat para sa iyo, ganito ba ang igaganti mo sa akin?"


Bagama't maraming dismayado at bagsak ang moral, marami rin namang hindi nawawalan ng pag-asa at patuloy pa rin kumikilos at naglilingkod sa Inang Bayan. Kaya’t nagsimula na ang maraming pag-uusapan at ang makabuluhang talakayan tungkol sa mga maaaring gawin sa paggunita ng Batas Militar sa ika-21 ng Setyembre. Kailangang mag-usap nang masinsinan at malaliman dahil napakatindi ng armas at pondo ng kalaban. Buong makinarya ng pamahalaan ang ginagamit nila upang pahinain at burahin ang kasaysayan. Hindi natin maaaring pabayaang magtagumpay ang merong mga tinatago at ginagamit ang kapangyarihan at pondo upang tuluyan nang hindi mapansin at makalimutan ang mga mahahalagang pangyayari sa kasaysayan.


Nakatataba naman ng puso na malamang maraming kikilos sa ika-21 ng Setyembre dahil kailangang ipaalala sa lahat ang totoong nangyari, na lubhang totoo ang Martial Law at napakaraming naging biktima nito.


Sa kabila ng mga dismayado at naubusan na ng pag-asa, naroroon pa rin ang mga hindi umaayaw at nawawalan ng pag-isa. Malaking bagay ang panalangin sa mga banal, sa Inang Birheng Maria; sa paggunita sa Mahal na Krus. Malaking bagay din ang pakikipag-usap at pakikilahok sa mga pagkilos, lalo na ang mga isinisigaw ang: never again, never forget.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page