Pagsampa sa barko, matutuloy na, GF na kapareho ng birth date, ka-compatible pa
- BULGAR

- Sep 28, 2020
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| September 28, 2020
Dear Maestro,
Nakatapos ako ng kursong Marine Transportation at bago nagka-COVID-19 ay nagte-training ako para makasampa ng barko. Actually, halos kumpleto na talaga ang mga papeles ko, kaso dahil sa pandemya, napurnada ang pag-alis ko.
Naisipan kong sumulat sa inyo, Maestro, upang malaman kung makaaalis ba ako at kung oo, kailan ito? Gayundin, halimbawang nasa abroad na ako, susuwertehin ba ako? Dagdag pa rito, Maestro, nais ko ring malaman kung ano ba ang mapalad na petsa at kulay na dapat kong gamitin?
Sa ngayon, may girlfriend ako na isinilang noong November 16, 1991 habang June 29, 1990 naman ang birthday ko. Compatible ba kami at kami na ba ang magkakatuluyan?
Umaasa,
El Cid ng Tabang, Guiguinto, Bulacan
Dear El Cid,
Ang zodiac sign mong Cancer, gayundin ang birth date mong 29 o 2 (ang 29 ay 2+9=11/ 1+1=2) ay tunay na ka-compatible ng zodiac sign na Scorpio at birth date na 16 o 7 (ang 16 ay 1+6=7) ng girlfriend mo. Ang numero n’yong 2 at 7 at zodiac sign n’yong Scorpio at Cancer ay kapwa nasa ilalim ng elementong tubig, na ayon sa Western Astrology ay sadyang tugma at compatible talaga kayo sa isa’t isa. Malamang sa iyong pagbabalik, kung sakaling matuloy kang makapagbarko ay kayo na siguradong magkakatuluyan at magsasama sa pagbuo ng maligaya at panghabambuhay na pamilya.
Samantala, mapalad ka naman sa kulay na berde, higit lalo sa petsang 7, 16, 25, 2, 11, 20, 29, partikular kung natapat ang nasabing petsa sa araw ng Linggo at Lunes. Kusa namang iigting ang mabuting kapalaran mula sa ika-20 ng Enero hanggang ika-28 ng Marso, mula sa ika-20 ng Hunyo hanggang ika-28 ng Hulyo at mula sa ika-20 ng Oktubre hanggang ika-28 ng Nobyembre.
Ang batong agate o moonstone naman ang magsisilbing panghatak ng suwerte at panghigop ng magandang kapalaran kahit saang lugar ka mapadpad, higit lalo kung ipalalamuti sa gintong singsing.
Ayon naman sa iyong Travel Calendar, tiyak ang magaganap pagbungad na pagbungad ng 2021. Sa edad mong 30 pataas, matutupad na ang pangarap mong makapag-abroad, at sa nasabing panahon, makakasampa ka na sa barko hanggang sa maging isang ganap at mahusay na seaman.




Comments