top of page

Pagmamahal sa Diyos, pagmamahal sa bayan

  • BULGAR
  • Nov 21, 2022
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | November 21, 2022


Linggo, ika-13 ng Nobyembre 2022, ikatlong araw pa lamang ng aming “pilgrimage” nang nabalitaan naming may sumabog na bomba sa Taksim District ng Istanbul, Turkey.


Ayon sa balita, anim ang namatay at 81 ang nasugatan. Nadakip ang pinaghihinalaang nag-iwan ng bomba sa gitna ng mataong bahagi ng Taksim District ng Istanbul. Sa mga sumunod na oras pagkatapos ng madugong kaguluhan, nagsalita si Recep Tayyip Erdogan, ang Presidente ng Turkey.


Lumapag ng Israel noong ika-10 ng Nobyembre at dumating kami ng umaga ng ika-11 ng Nobyembre at nagsimula ang aming pilgrimage. Tumuloy na kami sa mga banal na lugar ng Bethlehem, kung saan ipinanganak si HesuKristo. Kinabukasan, tumuloy kami sa Bethlehem, sa Ein Karem, ang lugar ng pagdalaw ni Isabel sa kanyang pinsan na si Maria at sa bundok ng Olibo, kung saan nagdasal si HesuKristo bago ito ipinagkanulo ni Hudas sa mga Romanong kawal. Noong sumunod na araw (Linggo) ika-13 ng Nobyembre, nabalitaan namin ang nakagugulat at nakakatakot na pangyayari sa Istanbul. Nag-alala kaming lahat, dahil makaraan ng ilan pang araw ay lilisanin namin ang Jerusalem upang tumuloy sa Istanbul at sa iba’t ibang bahagi ng Turkey.


Ngunit, pinaalala natin sa mga kasama na maging higit pang taimtim sa kanilang mga panalangin at hindi payagang manaig ang takot at duda sa kanilang isip, puso at kaluluwa. Ito rin ang hamon ng banal na paglalakbay—ng pilgrimage. Kailangan naming magtiwala sa Diyos at tuluyan pang hanapin ang banal na espiritu at kalooban. At pagkaraan ng walong araw, lumisan na rin kami ng Israel at lumipad patungong Istanbul, Turkey.


Napakarami naming panahong magnilay, magdasal at maglakad nang maglakad sa Jerusalem. Ano kaya ang mangyayari sa amin sa Turkey?


Gabi nang lumipad kami paalis ng Jerusalem patungong Turkey. Naantala pa ng isang oras ang eroplanong sasakyan namin. Kailangan pa naming maglakbay patungo sa aming hotel. Nagtanong ang ilan kung merong hapunan. Ang malumanay na sagot ng nasa ceception table, “Sorry, but there is no supper for you.”


Kaya noong gabi ng ika-17 ng Nobyembre, pagod at gutom kaming pumasok at mabilis na naghandang matulog dahil sa labis na ang pagkahapo sa tuluy-tuloy na paglalakbay.

Naawa sa amin ang bagong tour guide na si Hakan. Alas-9: 00 ng umaga tayo magsisimula sa pagdalaw sa mahahalagang lugar sa Istanbul, kaya’t mahimbing bagama’t bitin na tulog ang aming ninamnam noong gabing iyon.


Kinabukasan, sa unang araw ng aming paglalakbay dinala kami ni Hakan sa Topkapi, palasyo ng mga unang sultan ng Istanbul. Itinayo ito nang makuha ng mga Turko ang Constantinople noong 1453. Itinayo ni Mehmed, ang mananakop ang palasyo ng mga sultan at iba’t ibang gusali nito. Nakakalula ang laki ng karangyaan ng palasyo. Ngunit hindi lang ito palasyo ng mga sultan, sentro rin ito ng pamamahala, edukasyon, sining ng Emperyo ng Ottoman.


Tumagal ang gamit ng palasyo ng mahigit apat na siglo. Noong 1924 naging museo ang Topkapi sa dekreto ni Mustafa Kemal Ataturk. Nakita rin namin ang napakalaking imbakan ng tubig sa ilalim ng mga kalye at gusali ng isang bahagi ng Istanbul. Kamangha-mangha ang laki, lawak at lalim ng imbakan ng tubig o cistern na pinagawa ng mga sultan.


Sa gitna ng lahat ng mga Sagrado at makasining na lugar, ipinasok ni Hakan ang pagmamahal ng mga T’urko sa kanilang bayan. Ikinuwento nito ang kahalagahan ng Dardanelles Chanel bilang koneksyon ng Black Sea sa Mediterranean Sea at daan din ito tungo sa matandang siyudad ng Constantinople. Napansin ko rin ang kakaibang laki ng mga bandera ng Turkey na nagwawagayway sa iba’t ibang bahagi ng Istanbul. At nang tumungo na kami sa Canakkale at tumawid na sa Dardanelles Strait, ikiinuwento na ni Hakan ang labanan sa Gallipoli. Ito ay sa pagitan ng mga Aleman at Turko laban sa mga taga-Britain at Australia na nais sakupin ang Gallipoli upang tuluyang mahawakan ang Dardanelles Strait.


Habang ikinukuwento ni Hakan ang labanan sa Gallipoli, ipinaliwanag din nito ang mahabang kasaysayan ng paglaban ng mga Turko para sa kanilang bansa. Ipinaliwanag niya kung gaano kamahal ng mga Turko ang kanilang bayan at kung paano handang lumaban at mamatay ang mga Turko para sa kanilang bansa.


Habang nagpapaliwanag si Hakan, damang-dama namin ang pagmamahal niya sa kanyang bansa. Napag-isip-isip natin ang kalagayan ng maraming mamamayan, kung malayo o malapit ito sa tindi ng pagmamahal ng mga Turko sa kanilang bansa.


Mula sa Jerusalem hanggang sa Turkey, matinding panalangin na maging matindi rin ang pagmamahal nating mga Pinoy sa Diyos, gayundin para sa ating bansa.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page