top of page
Search
  • BULGAR

Pagkain sa sementeryo, bawal na rin

ni Ronalyn Seminiano Reonico | October 1, 2020




Inanunsiyo ni Cavite Governor Jonvic Remulla sa kanyang Facebook post na bubuksan sa publiko ang mga sementeryo sa naturang lugar simula October 1 hanggang 27, 9 AM hanggang 7 PM upang mabisita ang mga pumanaw nang mahal sa buhay.

Aniya, isasara na ang mga sementeryo simula sa October 28 hanggang November 2.

Saad ni Remulla, “Para sa ikabubuti ng lahat ay napagkasunduan ng mga namumuno sa lalawigan na isara ang mga sementeryo mula October 28 hanggang November 2, 2020.”

Bukod sa pagbi-videoke ay ipinagbabawal din ang pagkain at pag-inom ng mga alcoholic beverages sa mga sementeryo, pampubliko man o pampribado.

Aniya, "Bawal po ang kainan kahit sa mga pribado at sosyal na libingan. Mga alta, matutong makisama.

“Kung bawal ang kainan, lalong bawal ang inuman at lasingan."

Bawal din ang pagbebenta o paglalako ng mga pagkain at inumin sa loob ng mga sementeryo.

Bilang pagsunod sa health protocols, ipinagbabawal din ang mga 18-anyos pababa na bumisita sa mga sementeryo at mahigpit ding ipatutupad ang pagsusuot ng face masks at face shields.

Paalala naman ni Remulla, “Mag-ingat lamang sa mga aksidente lalo na sa pagsindi ng kandila dahil ang face shield ay gawa sa plastic.”

Gayundin, kailangang sundin ang social distancing upang maiwasan ang pagkalat ng Coronavirus.

Aniya, "Dahil sa pandemya ay kailangan pa rin nating paulit-ulit na ipaalala ang social distancing rules. Lagpas 10,000 na ang positibo sa COVID dito sa Cavite at malakas ang kutob ko na baka lalong kumalat ang sakit na ito ngayong papalapit na Undas."

Samantala, saad din ni Remulla, “Ang mga municipal at city government ang magbibigay ng regulasyon ukol sa papayagang dami ng tao sa loob ng sementeryo.”

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page