Paghihigpit ng seguridad sa mga iskul, dapat tuluy-tuloy
- BULGAR

- 6 hours ago
- 1 min read
by Info @Editorial | June 28, 2026

Hindi dapat ituring na abala ang pag-inspeksyon sa bag ng mga pumapasok sa paaralan.
Sa panahon ngayon na may mga ulat ng pamamaril, pananaksak, pambubugbog, gang-related na gulo, at iba pang karahasang kinasasangkutan ng mga estudyante, tungkulin ng paaralan na higpitan ang seguridad.
Pero hindi sapat ang isang linggong paghihigpit matapos may mangyaring insidente. Hindi dapat ningas-kugon ang kampanya. Kung seryoso ang mga eskwelahan sa kaligtasan, kailangang maging regular, maayos, at patas ang inspeksyon—hindi lang kapag may viral na balita o reklamo ng magulang.
Dapat ding malinaw ang patakaran: may respeto sa estudyante, walang panghihiya, walang abuso, at may presensya ng guro o school personnel.
Layunin nitong pigilan ang pagpasok ng patalim, droga, vape, alak, o anumang bagay na maaaring gamitin sa pananakit.
Ang paaralan ay dapat manatiling ligtas na lugar para matuto, hindi lugar ng takot. Kung may karahasan sa kabataan, hindi puwedeng reactive lang ang tugon.
Ang tunay na disiplina at seguridad ay araw-araw na ginagawa, hindi pana-panahon lang.



Comments