Paggawad ng ‘absolute pardon’ kay Pemberton, makatarungan nga ba?
- BULGAR

- Sep 9, 2020
- 1 min read
@Editorial | September 9, 2020
Marami ang nagulat nang pagkalooban ni Pangulong Rodrigo Duterte ng ‘absolute pardon’ si US Marine Corporal Joseph Scott Pemberton — ang pumatay sa Pinay transgender na si Jennifer Laude.
May iba na hindi napigilang kuwestiyunin ang naging desisyon ng Punong Ehekutibo.
Makatarungan nga ba ang paggawad ng absolute pardon sa isang tao na napatunayang nagkasala at halos nasa kalahati pa lang ng ‘pagbabayad’?
Pinalagan din ang anila’y “special treatment” na ibinibigay kay Pemberton, na isang dayuhan.
Sa kabila ito ng maraming mga kababayan natin ang halos inabot na ng kamatayan sa selda subalit, hindi na nabigyan ng pagkakataon na makalaya.
Naging patas at makatarungan nga ba ang naging desisyong ito? May katotohanan kaya ang paratang na may naglakad ng kaso ng sundalo sa Malacañang kaya nabigyang-pansin ng Pangulo? Tipong sa gitna ng napakaraming problema ng bansa ngayon dahil sa pandemya ay nakasingit pa ito.
Para sa atin, iginagalang natin ang pasya ni Pangulong Duterte dahil ito ay nakasaad sa batas — may kapangyarihan ang Pangulo na maggawad ng pardon sa sinuman nang walang obligasyong magpaliwanag.
Gayunman, umaasa tayong magkaroon din ng pantay na pagkakataon ang ibang preso. Sila na walang pambayad ng abogado kaya hindi malitis ang kaso. Sila na mas magaan ang naging pagkakasala at sila na may pamilya ring naghihintay sa labas.
Patunayan sana natin na ang hustisya, prebilehiyo at batas ay para sa lahat.



Comments