Pagdiriwang ng ‘Kung Hei Fat Choi’, tiyaking safe at masaya
- BULGAR
- Feb 9, 2024
- 1 min read
@Editorial | Pebrero 9, 2024
Bago pa man ang pagdiriwang ng Bagong Taon ng mga Filipino-Chinese sa Pebrero 10, todo-handa na ang lahat para maisagawa ito nang maayos at ligtas.
Kaugnay nito, aabot sa 1,500 miyembro ng Manila Police District (MPD) ang ilalatag sa bahagi ng Binondo, Maynila o ang tinaguriang Chinatown. Ito ay bilang bahagi ng seguridad sa selebrasyon.
Nagpahayag na rin ang kapulisan ng ‘Oplan Paalala’ sa mga magtutungo sa Binondo kung saan inaasahang magaganap ang grand celebration ng Chinese New Year.
Naglagay na rin ng mga tarpaulin sa mga prominenteng lugar kung saan mababasa ang paalala sa publiko na maging mapagbantay sa lahat ng oras bilang preventive measures laban sa kriminalidad at iba pang uri ng ilegal na aktibidad.
Una na ring ipinalabas ng pamahalaang lungsod ng Maynila at Manila Police ang ilang kalye na isasara sa Binondo kaugnay sa isasagawang fireworks display bilang pagsalubong sa Year of the Wood Dragon.
Pakiusap din sa lahat ng mga makikibahagi sa pagdiriwang, maging maingat at mapagmatyag laban sa anumang banta sa seguridad. Bukod sa pag-iwas sa gulo, bantayan din ang mga kasama.
Huwag hayaang may makalusot na masasamang-loob. Kung may ‘di inaasahang pangyayari, agad na ipagbigay-alam sa mga otoridad.
Comments