Pagdadala ng armas ng estudyante, nakakaalarma
- BULGAR

- Aug 27
- 1 min read
by Info @Editorial | August 27, 2025

Isang estudyanteng may baril, nakabaril ng isa ring estudyante. Isang simpleng araw na naging trahedya.
Gayunman, hindi simpleng isyu ang pagkakaroon ng baril ng isang estudyante. Isa itong alarmang dapat ikabahala ng buong komunidad. Nangangahulugan itong may maluwag na regulasyon sa pagkalat ng armas. Ibig sabihin, may mga kabataang nawawala na ang takot sa batas, sa buhay, at sa kanilang kapwa.
Ano ang nagtutulak sa kanila para magdala ng armas? Dahil ba sa bullying? Gang? Kawalan ng tiwala sa sistema?
Kailangan ng mas mahigpit na monitoring sa loob ng eskwelahan. Kailangan ng seryosong pag-uusap sa pagitan ng mga guro, magulang, at mismong mga estudyante.
Kailangan ng maayos na mental health program sa lahat ng antas ng edukasyon. At higit sa lahat, kailangang repasuhin at paigtingin ang mga batas sa armas — bakit napakadaling makakuha ng baril sa ating bansa?
Hindi natin dapat hayaan na ang kabataan, na siyang kinabukasan ng bayan, ay lumaking normal na ang karahasan.





Comments