Paalala sa rider, kaligtasan muna hindi porma
- BULGAR
- 10 minutes ago
- 1 min read
by Info @Editorial | July 7, 2025

Sa kabila ng paulit-ulit na paalala at batas, marami pa ring motorista ang inuuna ang porma kaysa kaligtasan.
Mula sa malalakas na tambutso hanggang sa hindi pagsusuot ng maayos na helmet — tila nakakalimutang buhay ang nakataya sa bawat biyahe.
Hindi sapat ang pa-cool na motor kung ang ingay nito ay nakakaabala sa komunidad at nagdudulot ng stress sa kapwa motorista. Ang modified o "open pipe" na tambutso ay hindi lamang istorbo — ito ay malinaw na paglabag sa batas. Dapat higpitan ang pagbabantay at parusa para rito.
Ganundin sa helmet. Hindi ito accessory — ito ay proteksyon. Sa bawat aksidente, ang helmet ang maaaring magligtas ng buhay. Ngunit sa mga kalsada ngayon, makikita pa rin ang mga rider at angkas na walang suot nito, o kung meron man, ay peke at mababa ang kalidad.
Panahon na para gawing malinaw at iisa ang pagpapatupad ng batas ukol sa tambutso at helmet. Hindi sapat ang kampanya — kailangan ng konkretong aksyon mula sa gobyerno.
Ang kaligtasan sa kalsada ay hindi dapat isinusugal para lang sa ingay o porma.