ORO, PLATA, MATA
- BULGAR
- Nov 1, 2023
- 2 min read
ni Lucifera @Lagim | November 1, 2023
May mga pagkakataon sa ating buhay na kailangan nating pairalin ang ating instinct.
Tulad ng naramdaman ni Orange nang makita niya ang bahay na tinitirhan nila ngayon.
Nakaramdam siya ng pangingilabot kaya gusto niyang umatras pero iba ang sinabi ng kanyang magulang
“Ang ganda!” Wika ng kanyang ina.
“Gusto ko na rito!” sambit naman ng kanyang ama.
Kaya kahit na gusto niyang magsabi na ibang bahay na lang ang bilhin, nagbago ang kanyang isip.
Ayaw niyang maglaho ang kasiyahan na nakikita niya sa mukha ng kanyang magulang.
“Sige, kukunin ko na,” wika niya, at maya-maya ay may mga nagsabi naman sa kanya na sobrang nakakapangilabot.
“Marami nang namatay sa bahay na ‘yan, hindi mo ba alam?” Gilalas nitong sabi.
“Ha? Bakit? Ano’ng nangyari?!”
Hindi na nito nasagot ang kanyang katanungan, sapagkat may kung anu-ano’ng eksena na ang nag-flash sa kanyang isipan na nagpaalala sa kanya ng mga masasamang pangyayari.
“Napakayabang mo talagang babae ka! Nagkaroon ka lang ng pera naging mayabang ka na!” Sigaw ng kanyang kuya.
“Hindi totoo ‘yan!” Gilalas niyang sabi. Halos wala na ngang matira para sa kanya, tapos aakusahan pa siya na mayabang.
“Eh, kaya pala ayaw mo na kunin si Libby sa vlog mo!”
“Kasi nga, ganyan ka na!” Galit niyang tugon.
“Ah, ganito pala ako ha!” Wika nito saka inilabas ang baril na itinago niya sa kanyang likuran. Bago pa man makapagsalita si Orange, pinagbabaril na siya nito.
Makaraan ang ilang oras ay mayroon na namang usap-usapan sa bahay na iyon.
“May namatay na naman pala sa bahay na ‘yan. Sabi na kasing malas ang bahay na ‘yan dahil ang baitang ng kanilang hagdan ay nagtatapos sa Mata.”
“Mata?”
“Kamalasan.”
“Ha?!”
“May tinatawag kasi tayong Oro, Plata, Mata ‘pag dating sa baitang ng ating hagdan. Kapag ito ay natapat sa Oro, ang ibig sabihin nito ay ginto o pagkakaroon ng kasaganaan sa buhay.
Samantala, ‘pag may negosyo ka, dapat sa Plata ito mahinto para swak sa iyong negosyo. Kaso, ang lahat ng baitang sa bahay na ‘yan ay nagtatapos sa Mata na ang ibig sabihin ay kamalasan at kamatayan.”
Wakas.
Comments