top of page

Oil price hike na naman, kailan ba matatapos?

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 3
  • 1 min read

by Info @Editorial | November 3, 2025



Editorial


Inaasahan ang mahigit pisong pagsirit sa presyo ng petrolyo. 

Sa balitang halos lingguhan na ang pagmahal ng presyo ng gasoline at diesel, hindi na alam ng karaniwang Pilipino kung saan pa huhugot ng dagdag-panggastos. 


Para sa mga tsuper ng pampublikong sasakyan at delivery rider, bawat sentimong taas ay katumbas ng bawas sa kita.Hindi na bago ang ganitong balita, tila walang katapusang taas-baba — ngunit mas madalas, taas lang nang taas.


At habang nagtataas ang mga kumpanya ng langis, tahimik at kamot-ulo namang nagbabayad ang mamamayan, walang magawa kundi magtiis. 


Ang masaklap pa, tila walang matibay na hakbang mula sa pamahalaan upang maibsan ang epekto nito.‘Di kaya panahon na upang repasuhin ang batas na nagbigay ng sobrang laya sa mga kumpanya ng langis sa pagtatakda ng presyo ayon sa galaw ng pandaigdigang merkado?


Oo, may mga pagkakataon na hindi natin kontrolado — tulad ng giyera o pagbabago sa presyo ng krudo sa ibang bansa — ngunit bakit tila walang sapat na paraan upang protektahan ang mga mamimili? 


Nasaan ang malinaw na plano para sa energy independence? Nasaan ang mga alternatibong mapagkukunan ng enerhiya?


Sana ay dumating ang araw na hindi na tayo matakot tuwing Martes ng umaga, kapag epektibo na naman ang “bigtime oil price hike”.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page