top of page

OFW na ‘di makauwi kahit pumanaw ang ina

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 7, 2022
  • 2 min read

ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | February 07, 2022



Dear Sister Isabel,


Sobrang lungkot ko ngayon. Nandito ako sa abroad at gusto kong umuwi dahil namatay ang nanay ko. Ayaw akong payagan ng employer ko dahil daw sa sitwasyon ngayon dulot ng COVID-19 pandemic. Nag-iisa kasi akong anak at biyuda ang nanay ko dahil maagang namatay ang tatay ko. Walang mag-aasikaso sa libing ng nanay ko dahil ‘yung mga kapatid niya ay hindi niya kasundo. Labis-labis ang kalungkutan ko at iyak ako nang iyak. Ano ang gagawin ko? Sana ay matulungan n’yo ako.


Nagpapasalamat,

Maribel ng Hong Kong


Sa iyo, Maribel,


Nakikiramay ako sa pagpanaw ng iyong ina. Huwag mo nang pahirapan ang sarili mo.


Tama ang amo mo na huwag kang payagang umuwi dahil mahirap ang sitwasyon ngayon sa Pilipinas. Baka mahawa ka pa sa mga biktima ng COVID dito at sa kasalukuyan ay Omicron variant naman ang namiminsala.


Sa palagay ko ay hindi matitiis ng mga kapatid niya ang nanay mo kahit hindi sila nagkakasundo. Aasikasuhin nila ang pagpapalibing sa nanay mo. ‘Ika nga, blood is thicker than water. Kahit ang magkakapatid ay hindi nagkakasundo, pagdating naman ng mga sitwasyong hindi maiiwasan, bumabalik ang pagmamahal nila sa isa’t isa.


Makabubuting ipagdasal mo na lang ang kaluluwa ng nanay mo. Makarating nawa siya sa langit nang maluwalhati, at kung anuman ang mga kasalanang hindi napagsisihan bago siya mamatay, patawarin nawa siya at tanggapin sa langit na siyang permanente niyang tirahan.


Lahat tayo ay nakikitira lang sa mundo. Ang langit o impiyerno ang permanente nating tirahan, depende kung namuhay tayo sa kabutihan o kasamaan. Kalmahin mo ang kalooban mo, huwag ka nang umiyak dahil baka ikaw pa ang magkasakit, lalong magiging mahirap ang sitwasyon.


Life must go on. Tanggapin mo nang maluwag sa kalooban ang pagpanaw ng nanay mo.


Sa kabilang dako, mabuti na rin ‘yun dahil tapos na ang kalbaryo niya sa mundo. Lahat tayo rito sa mundo, walang katapusan ang mga problema at sabi nga, patay lang ang walang problema.


Sa piling ng Maykapal, walang gutom, uhaw at sama ng loob. Lahat ay kapayapaan, kaligayahan kung saan ikaw ang inaaliw ng mga anghel sa magandang halamanan sa paraisong walang kasing-sarap ang iyong pakiramdam.



Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page