Negosyong swak sa marinong wa' na kuwarta
Updated: Feb 1, 2024
ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | January 29, 2024
Dear Sister Isabel,
Isa akong seaman, at ang sabi nila ‘pag nakapagtrabaho ka raw sa barko, uunlad ang iyong buhay. Pero sa kalagayan ko, masasabi kong hindi ito totoo. Dahil kahit ano’ng gawin kong pagsusumikap, kahit gaano kalaki ang ipinadadala ko sa asawa ko, hindi pa rin iyong sapat. Dumating din sa punto na pag-uwi ko ng ‘Pinas, ang tagal kong natengga, ‘yung dala kong pera naubos lang din kakaantay kung kailan uli ako makakasampa.
Samantala, noong pag-uwi ko rito, inasikaso ko agad ang mga papeles ko para makasampa agad. Ngunit, naubos na ang dala kong pera hindi pa rin ako nakakaalis. Nagkataon pang nagkasakit ang mother ko, kailangan niyang magpa-chemo dahil sa sakit niya na kundi maaagapan ay baka ito ang ikamatay niya, kaya lalo kaming kinapos sa budget.
Binigyan kami ng bahay ng biyenan ko, at gagastusin ko sana ‘yung pera pampa-renovate nito, pero dahil kailangan ng mother ko, naghati-hati kaming magkakapatid para sa chemotherapy niya. Lagi na lang may sumisingit na aberya kaya ‘yung pinaplano kong magkabahay, hanggang ngayon ay ‘di pa rin matuluy-tuloy. Kahit sahig ng bahay ng biyenan ko ‘di ako makabili ng materyales na gagamitin.
Ano kaya ang diskarteng gagawin ko para mabago na ang takbo ng buhay ko?
Hindi na ako umasenso sa buhay gayung halos sampung taon akong nagtrabaho bilang seaman. Nawa’y mapayuhan n’yo ako ng tamang diskarte sa buhay upang umangat naman ang pamumuhay gaya ng pinapangarap ng lahat.
Nagpapasalamat,
Albert ng Tanza, Cavite
Sa iyo, Albert,
Ganyan talaga mostly ang nangyayari sa isang seaman, kapag nagbakasyon dito sa ‘Pinas. ‘Yung perang dala nila ay nauubos lang habang sila’y nakatambay dito. Ang gawin mo ay ganito, magtayo ka muna ng maliit na carinderia o kaya magtinda ka ng mga street foods gaya ng fishball, kikiam, kwek-kwek, barbeque, ihaw-ihaw, at iba pa.
Kahit d’yan lang sa harap ng bakuran mo o malapit sa basketball court. Samahan mo na rin ng samalamig, mineral water at iba pang drinks. Natitiyak ko kikita ka habang hindi ka pa tinatawagan ng dating barkong pinagtatrabahuhan mo. Maliit lang ang puhunan d’yan sa business na ‘yan. Kung gusto mo naman mag-online business ka ng mga produktong gusto mong itinda. Umorder ka sa Shopee o Lazada, at i-display mo na lang d’yan sa harap ng bahay mo. Magdasal ka sa Diyos na sana ay madami ang bumili ng products mo. Yes, samahan mo ng dasal ang buhay mo, prayer is the key para bumuhos sa iyo ang mga grasya at pagpapala. Ang isa pang dapat mo tandaan ay ,“Take care of today's problem, leave tomorrow in God’s hand.”
Ibig sabihin, mag-concentrate ka muna sa kasalukuyan. Huwag mo munang guluhin ang isip mo sa future o ‘yung mangyayari palang sa hinaharap. Ipaubaya mo na sa Diyos ang lahat. Sa aking palagay kaya ka nahihirapan, iniisip mo kasi agad ang mangyayari next year at kung paano ka makakaabante dahil may sumingit na namang aberya.
Lahat ng bagay na pinaghahandaan ay hindi natutuloy. Ang Diyos ang nakakaalam ng ating future, ipaubaya natin sa kanya sapagkat alam ng Diyos ang makabubuti. Ang sabi mo nga walang pagbabago buhay mo sa kabila ng pagsusumikap mo, kulang ka lang sa pananampalataya at gawaing kalugud-lugod sa Diyos. Alalahanin mong hindi lamang ang tao ang humihingi ng pabor sa Diyos. Ang Diyos din ay uhaw sa paglilingkod natin sa kanya at paggawa ng mga bagay na kalugud-lugod sa kanyang paningin. Mula ngayon, matuto kang magsimba every Sunday, at magdasal bago matulog. Makikita mo, magbabago na ang buhay mo, magiging panatag, sagana at payapa.
Wala na ring magkakasakit sa pamilya mo. Lahat ay magiging maganda at maayos na.
Hanggang dito na lang. Umaasa akong susundin mo ang ipinayo ko para mabago na ang takbo ng buhay mo tungo sa isang payapa at masaganang pamumuhay.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo





Comments