Negatibong awra at kapalaran...
- BULGAR

- Jul 30, 2020
- 3 min read
dulot ng alitan sa magkapatid kaya dapat nang maglipat-bahay at mag-abroad
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| July 30, 2020
Dear Maestro,
Family problem ang inilapit ko sa inyo dahil nakaaway ko ang kapatid ko. Noong mayroon ako at may-kaya sa buhay, tinutulungan ko siya, pero ngayong naghirap kami ng mister ko, kapag ako na ang lalapit sa kanya, dama kong pinagtitikisan niya ako. Porke mapera na sila sa ngayon dahil nakapag-Japan siya at nakapag-asawa ng Hapon pero iniwanan naman siya, inaapi-api na niya kami at pati mga anak ko ay inaaway nila, gayung hindi naman kasali ang mga bata.
Sa ngayon, balak na naming umalis sa compound namin. Nahihirapan na rin ang loob ko ‘pag nagkakasalubong kami at hindi nagbabati. Wala kaming ipong pera ng mister ko para makalipat ng ibang tirahan. Kailan kami papalaring magkaroon ng malaki-laking halaga ng pera para matahimik na ang puso at isipan ko at makaaalis na sa compound na ito? July 27, 1975 ang birthday ko, habang September 1, 1973 naman ang birthday ng kapatid ko.
Umaasa,
Loida ng San Miguel, Guagua, Pampanga
Dear Loida,
Ganyan talaga ang nangyayari sa mga taong may bibit na numerong 9 tulad mo, (ang 27 ay 2+7=9) – lapitin ka ng intriga, away at gulo, na sa pinakamalala, puwede pang masangkot ka sa asunto o labanang pang-hukuman o mapa-barangay. Kaya tama ka, kung hindi mo ma-take ang ugali ng kapatid mo, mas mabuti pang umalis ka na lang sa kasalukuyan n’yong tirahan.
Ang magulong isip ay nagdudulot ng kamalasan. Para rin ‘yang nagsusugal, kapag nakikita mo ang taong kinaiinisan mo habang ikaw ay nagsusugal, posibleng imbes na suwertehin ay lalo ka lang malasin.
Ganundin ang nangyayari ngayon. Imbes na suwertehin ang buhay mo, dahil patuloy mong nakikita ang kinaiinisan mong kapatid, gayundin, siya ang nagiging laman ng iyong magulong isipian, kaya mga negatibong awra o vibration ang nasasagap mong kapalaran.
Kaya tulad ng binabalak n’yong mag-asawa, dapat na kayong umalis sa compound na ‘yan dahil imposible kayong suwertehin habang patuloy mong kinikimkim ang galit sa iyong kapatid at patuloy ka niyang kinamumuhian.
Mas maganda na kung bago ka umalis ay ikaw na ang magpakumbaba na makipagbati sa kanya kung kakayanin ng ego o power mo. Bagama’t, hindi masamang ikaw na ang lumapit at kahit wala kang kasalanan, humingi ka ng tawad sa kanya. Sa ganyang paraan, kapag nagkabati na kayo, unti-unti nang gagaan ang inyong kalooban na magdudulot ng mas mabuti at magagandang kapalaran sa hinaharap, hindi lamang ang kapalaran mo kundi ang kapalaran ng inyong buong pamilya.
At tulad ng nasabi na, ang zodiac sign mong Leo sa birth date na 9 at zodiac sign na Virgo sa birth date na 1 ng kapatid mo ay nagsasabing hindi kayo compatible sa isa’t isa.
Kaya anuman ang naitulong mo sa kanya noong mga nagdaang panahon, kalimutan mo na ‘yun dahil tulad ng nangyayari sa kasalukuyan, hindi naman siya tatanggap ng pagkakamali at utang na loob.
Sa halip, kapag lumayo na kayo ng tirahan, sikapin mong umunlad ang inyong buhay. Maaaring mag-apply ka rin sa abroad o ang mister mo nang sa gayun ay kapag kayo naman ang umunlad at sila naman ulit ang naghirap, hindi naman sa paghigantihan mo siya, sa halip, patawarin at tulungan mo ulit siya upang ang dating naging masamang kapatid ay muling bumait sa iyo.
Tandaang lalo lang mamalasin at hindi dadatnan ng magandang kapalaran ang isang taong may kimkim na muwi, galit at sama ng loob sa kanyang kapwa, lalo pa kung kapwang ‘yun ay kadugo o sarili mong kapatid.
Kapag nawala na ang sama ng loob at kimkim na galit ng indbidwal, muling magniningning ang kanyang pagkatao, na siya namang sasagap ng mas marami pang suwerte at magandang kapalaran hanggang sa tuluy-tuloy ka nang palarin at umunlad dahil ang dating galit sa puso ay napalitan ng pagpapatawad at wagas at dalisay na pag-ibig.




Comments