top of page
Search
  • BULGAR

Naudlot na paglago ng kabuhayan ng Earth Sheep dahil sa COVID-19 pandemic, matutuloy sa agosto

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast 2020 | July 30, 2020


Sa pagpapatuloy ng pagtalakay sa bawat animal sign ngayong 2020, talakayin naman natin ang ugali at magiging kapalaran ng Sheep o Tupa ngayong Year of the Metal Rat. Ang Sheep o Tupa ay tinatawag ding Goat o Kambing.

Alalahaning ang Sheep o Tupa ay nahahati sa limang uri, batay sa taglay nilang elemento at ito ay ang mga sumusunod:

  • Metal Sheep o Bakal na Tupa - silang mga isinilang noong 1931 at 1991

  • Water Sheep o Tubig na Tupa - silang mga isinilang noong 1943 at 2003

  • Wood Sheep o Kahoy na Tupa - silang mga isinilang noong 1955 at 2015

  • Fire Sheep o Apoy na Tupa - silang mga isinilang noong 1967

  • Earth Sheep o Lupa na Tupa - silang mga isinilang noong 1979 at 1939

Sa nakaraang mga isyu, tinalakay natin ang kapalaran ng Metal Sheep, Water Sheep, Wood Sheep at Fire Sheep, kaya sa pagkakataong ito, pag-usapan natin ang huling uri ng Tupa batay sa taglay niyang elemento at ito ay ang Earth Sheep o Lupa na Tupa.


Bagama’t naudlot ang tuluy-tuloy na sanang paglago ng kabuhayan dahil sa Covid-19 pandemic, inaasahan namang sa pagpasok ng Agosto hanggang sa last quarter ng 2020, halos papaganda nang papaganda ang career at kabuhayan sa iyong kapalaran. Ang mahalaga lamang ngayon, imbes na magmukmok at magsenti ka sa mga negatibong pangyayari sa kapaligiran, kailangang patuloy kang umasa at anuman ang mangyari, sa positibo at magagandang bahagi ka pa rin ng buhay dapat nakatingin. Dahil habang masaya ka at nag-iisip ng magagandang bagay, tulad ng nasabi na, kahit mabagal, tuluy-tuloy pa ring darating ang suwerte at magagandang kapalaran bago matapos ang Year of the Metal Rat.


Dagdag pa rito, ang mga Earth Sheep ay talagang mabagal ang pag-unlad sa kabuhayan habang sila ay bata pa, pero habang tumatanda at nagkaka-edad, tulad mo na nasa middle-age, kumbaga sa sasakyan at karera ng buhay, tuluy-tuloy namang bibilis ang iyong pag-unlad hanggang sa yumaman.


Oo, yayaman ka dahil ang Earth Sheep ay may pangunahing elementong “lupa” at ito ay siya ring representasyon ng tangible things at lahat ng nahahawakan, nakikita at nagbibigay-sarap sa buhay ng tao, tulad ng magandang bahay, magarang sasakayan, malalawak na mga ari-arian at maraming-maraming ipon sa bangko.


Kaya naman tulad ng nasabi na, matapos ang problema ng mundo sa Covid-19, aarangkada muli ang tuluy-tuloy na pag-unlad at progreso ng iyong kabuhayan, hanggang sa hindi lang ikaw kundi ang buong pamilya mo ay maging napakayaman.


Sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, sa mga may asawa na at kasintahan, bagama’t minsan ay nagkakalayo kayo ng iyong minamahal, hindi ito dapat maging dahilan upang tumamlay ang pagmamahalan. Sa halip, ang paminsan-minsang paglalayo ay dapat maging dahilan upang lalo pang uminit at lumago ang inyong pagmamahalan.


Sa mga wala pang asawa o kasintahan, makakatagpo kayo ng lalaki o babaeng mamahalin sa panahong kayo ay nakikisalamuha sa inyong mga katrabaho, kaibigan o sirkulo ng lipunan, kaya kahit may pandemya, basta ugaliin ang health protocol, mas madaling makakatagpo ng love interest kung lalabas pa rin ng bahay kasama ang mga kasamahan sa trabaho at kaibigan. Sa ganu’ng sitwasyon, may pangako ng maligaya at panghabambuhay na pag-ibig, na maaaring dumating ngayong 2020 hanggang 2021, na hindi mo na dapat pakawalan. Ang minsang pagdating ng tunay at wagas na pag-ibig na ito sa iyong buhay sa panahon ng pandemya ay maaaring hindi na maulit pa.


Sa pangkalahatan, ngayong Year of the Metal Rat, magiging maganda ang lahat – ang iba’t ibang aspeto ng iyong kapalaran, basta tulad ng nasabi na, manatili kang nakatingin sa positibo at magandang bahagi ng buhay. Sapagkat kung doon nakatuon ang iyong isipan, ang magagandang bahagi rin na ito ng karanasan ang kusang ipagkakaloob sa iyo ng langit sa buong 2020 hanggang 2021.

Itutuloy

0 comments

Recent Posts

See All

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page