Naubos sa sugal ang padala ng mister, takot magulpi at mapalayas
ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | May 23, 2022
Dear Sister Isabel,
Napakalaki ng problema ko ngayon dahil nagastos ko ang ipon namin ng asawa kong OFW para pag-uwi niya ay may puhunan kami para sa negosyo. Malaki ang ipinadadala niya at itinatabi ko ang kalahati nu’n. Subalit unti-unti ko ring binabawasan ang mga ito hanggang tuluyan ko nang naubos ang halos kalahating milyong ipon namin. Nahumaling kasi ako sa online sugal. Sa umpisa ay nananalo ako, pero kalaunan ay natalo rin ako.
Malapit na siyang umuwi at asang-asa siya na may puhunan kami sa negosyo upang hindi na siya bumalik sa abroad. Ano ang gagawin ko, Sister Isabel?
Natatakot ako dahil baka bugbugin o palayasin niya ako kapag nalaman niya na wala na pala kaming ipon. Hihintayin ko ang payo n’yo.
Nagpapasalamat,
Bernadette ng Marikina City
Sa iyo, Bernadette,
Sa palagay ko, itatanim mo na sa utak mo na walang mabuting idudulot ang pagsusugal. Uubusin lang niyan ang kabuhayan n’yo at wawasakin ang iyong pamilya. Hangga’t maaga pa, sabihin mo na sa mister mo ang nagawa mong kasalanan. Sabihin mo ito sa mahinahong pamamaraan. Gayundin, tantiyahin mo na nasa maganda siyang mood ‘pag ipinagtapat mo ito sa kanya. Ihanda mo rin ang iyong sarili sa hindi magandang idudulot nito.
Maaaring magsalita siya nang hindi maganda, sigawan at magalit nang husto sa iyo, pero normal ‘yan ‘pag nalaman niya ang ginawa mo. Mabuting sabihin mo ito hangga’t hindi pa siya nakakauwi. At least, hindi ka niya puwedeng saktan dahil nasa malayo siya. Puwedeng mag-usap kayo sa video call, chat o phone call. Ipagtapat mo na ang lahat sa kanya. Gayundin, humingi ka ng tawad at mangakong hindi na mauulit ang lahat.
Lakip nito ang aking dalangin na huwag magalit nang todo ang asawa mo. Gayundin, sana’y maging mahinahon at tanggapin niya nang maluwag sa kalooban na hindi perpekto ang buhay may asawa, at darating ang mga pagsubok. Ang mahalaga, matutunang tanggapin at magbagong muli tungo sa isang masagana, payapa, maayos at matamis na pagmamahalan, walang bitterness na mararamdaman.
Hanggang dito na lang. Pagpalain ka nawa ng Maykapal.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




Comments