Nambabaeng mister, makakatuluyan pa rin
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | April 26, 2022

KATANUNGAN
Naghiwalay kaming mag-asawa, magkakabalikan pa ba kami? Halos anim na buwan na kaming hiwalay at ang balita ko ay sumama na siya sa ibang babae na mas bata sa akin.
Ano ang dapat kong gawin upang bumalik siya sa amin, para na rin sa kapakanan ng mga bata?
Kung hindi naman siya babalik, may guhit ba sa aking palad na nagsasabing ako ay muling makakapag-asawa kahit 43-anyos na ako? At kung mag-aasawa akong muli, may pag-asa ba akong lumigaya at maging panghabambuhay na?
KASAGUTAN
Bagama’t tila dalawa ang namataang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M at 2-M arrow a. at b.) sa kaliwa at kanan mong palad, kapansin-pansin naman na halos magkasing-haba ito, pareho ng kapal at halos magkalapit (arrow a. at b.). Ibig sabihin, posibleng ang ikalawang Marriage Line (2-M arrow b.) ay ang dati mo ring asawa, na pagkatapos mambabae at makipaghiwalay sa iyo, sa bandang huli ay magpapasya rin siyang bumalik upang muli n’yong buuin ang inyong pamilya.
Ang pag-aanalisang napakalaki pa ng tsansa na kayo ay magkabalikan ay madali namang kinumpirma ng compatible n’yong zodiac sign na Gemini at Libra, kung saan ang Gemini at Libra ay may iisang elementong tinataglay – ang elementong air o hangin. Ibig sabihin, maghiwalay man kayo, darating ang panahong kayo ay magkakabalikan, na madali ring kinumpirma ng birth date mong 16, na weak number at birth date niyang 10 na strong number.
Sa sandaling bumalik ang mister mo sa inyong tahanan at humingi ng tawad, wala kang magagawa— kusa mo rin siyang papatawarin at tatanggapin, upang tulad ng nasabi na, muling mabuo at lumigaya ang inyong pamilya, na madali namang kinumpirma ng iyong suwabe at magandang lagda.
Ngayon ka lang mamumroblema, ngunit paglipas ng ilan pang-araw, linggo o buwan, magugulat ka dahil may kakatok sa inyong pintuan at siya pala ang mister mong nagbabalik upang humingi ng iyong kapatawaran. Kapag nangyari na ‘yun, wala ka namang dapat gawin kundi siya ay tanggapin at patawarin nang sa gayun ay mabuo muli ang inyong pamila.
DAPAT GAWIN
Ayon sa iyong mga datos, Eva, nakatakda itong mangyari sa taon ding kasalukuyan, sa buwan ng Oktubre o Nobyembre. Sa naturang panahon, himalang uuwi ang iyong asawa upang humingi ng tawad at magiging panghabambuhay at magiging maligaya na ang inyong pamilya.




Comments