top of page
Search
  • BULGAR

Nakikitirang utol, puro perhuwisyo ang dala dahil adik sa toma

ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | January 17, 2022



Dear Sister Isabel,


Gusto kong humingi ng payo sa inyo tungkol sa kapatid ko. Palagi kasi siyang naglalasing at kahit pandemic ay ganu’n pa rin siya. Hindi ko rin alam kung saan siya nakakakuha ng pang-inom.


Solo ako sa bahay dahil namana ko ang ancestral house namin, habang nag-asawa na ang mga anak ko at may sarili nang bahay. Itong kapatid ko na ito ay binata pa at sa akin nakikitira. Mabait naman siya ‘pag hindi lasing, pero ‘pag nakainom ay hindi ko nasisikmura ang mga sinasabi niya at nakakatakot dahil baka magwala o manakit siya.


Bilang ate niya, napipilitan akong umako sa mga obligasyon niya. Tumatanggap siya ng mga sirang appliances at humihingi siya ng advance payment, pero hindi naman niya tinatapos ang trabaho, kaya nagagalit ang mga customer niya at sinisingil ‘yung ibinayad, kaya ako na lang ang nagpapaluwal para huwag siyang mapaaway.


Kapag nasa katinuan siya, pinapapayuhan ko siya at nakikinig naman, pero ‘pag nakahawak ng pera, alak agad ang binibili at tinutungga niya. Sana ay matulungan n’yo ako upang malaman kung ano ang gagawin ko para mapasunod ko siya at mapatigil na sa pagiging lasenggo.


Nagpapasalamat,


Thelma ng Lucena, Quezon


Sa iyo, Thelma,


Sadyang mahirap ang iyong sitwasyon. Sa palagay ko ay kailangan mong dalhin sa rehabilitation center ang kapatid mong ito dahil sila ang makakatulong sa iyo. Gawin mo na ito hangga’t maaga at bago pa lumala ang pagiging lasenggo niya at ikaw ang kauna-unahan niyang maging biktima.


Masakit mang mawalay siya sa iyo, pero kung ‘yun ang makabubuti sa kanya, dapat mo itong tanggapin nang maluwag sa kalooban. Ipagdasal mo rin siya sa Dakilang Kataas-taasan. Malaki ang maitutulong ng dasal kaya isama mo siya sa iyong panalangin araw-araw. Makikita mo na sa lalong madaling panahon, lutas na ang iyong problema.


Ganyan kumilos ang Diyos sa mga taong nananalig sa Kanya nang walang halong alinlangan.


Hangad ko rin na mapanatag ka na sa iyong buhay at maging masaya, masagana at mapagpala ang taong ito para sa iyo.


Sumasaiyo,


Sister Isabel Del Mundo


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page